Wag Mo Akong Sanayin
Categories Poetry

Wag Mo Akong Sanayin

Wag mo akong sanayin sa kamustahan
Sa maya’t-maya mong tanong kung ako ay nasaan
Sa pagpapakita ng interes sa kung ano ang aking pinagkakaabalahan
Sa paniniguradong ako ay tapos ng mag-agahan, tanghalian at hapunan.
Wag mo akong sanayin sa madalas na kwentuhan
Na halos tanungin mo na ang bawat detalye ng maghapon kong nagdaan
Na kulang na lang kilalanin mo ang lahat ng aking mga kaibigan
Para sa bawat lakad hindi ka mapag-iwanan.

Wag mo akong sanayin sa laging tawanan
Sa magdamag na hugutan
Sa walang humpay na biruan
Dahil nahihirapan na akong alamin kung alin ang katotohanan.

Wag mo akong sanayin sa mga papuri mo
Sa pagsabing magaling ako
Sa pagpapalakas ng loob ko
Ang ipagdasal ang kabutihan ko.

Wag mo akong sanayin sa ganito
Lalo na kung hindi mo naman kayang gawin hanggang dulo.
Kung sa paglipas ng panahon ay biglang magbabago
Dahil sa huli, trip lang pala ang lahat ng ito.

Wag mong simulan kung pangsamantala lang din
Lalong wag mong kamustahin at paasahin
Kung wala kang planong mahalin
Wag mong pagkwentuhin
Kung Hindi mo rin naman diringgin
Wag mong patawanin
Kung iyo ring paiiyakin
Wag mong purihin
Kung iyo lang paaasahin
Kaya aking pakiusap, wag mo naman akong sanayin…