“We had the right love at the wrong time.”

Yan ang linya sa kantang laging tumatakbo sa isip ko. Paulit-ulit. Di nagagasgas. Di rin natitigil ang pagdulot ng sakit sa tuwing maririnig ko ang mga salitang minsa’y naging theme song nating dalawa.

Masaya ako sa tuwing tayo’y nagkakasama. Sa kilig na dulot ng bawat sandaling ako ang iyong tinititigan. Sa bawat “I love you” na iyong binibitawan. Sa bawat pagkakataong ako’y iyong hahagkan.

Ngunit lahat ng bagay ay may hangganan. Tama man o mali ang meron tayo noon, pareho nating alam na walang magiging tayo. Mahal kita, mahal mo ako pero meron ka nang “tahanan”.

Masakit mang isipin na kelangan kong lumisan dahil hindi kailanman magiging maayos ang lahat. Masakit, sobrang sakit, na sa tuwing makikita kita ay alam kong “hindi ka akin”, na alam kong mawawala ka din.

Kaya habang maaga pa ay pinilit ko nang lumayo. Habang maaga pa ay pinigil ko na ang sakit ng kinabukasan. Habang maaga pa ay nilisan ko na ang sitwasyong walang kasiguraduhan.

Kaya habang nakikita kita ay pinipilit kong magpakatatag. Pinipilit kong supilin ang aking nararamdaman. Dahil alam kong parehas lang tayo mahihirapan. Walang magiging tayo.