What if hindi naging tayo?
Categories Relationships

What if hindi naging tayo?

Kung hindi naging tayo, hindi sana kita hahanapin sa bawat taong makiklala ko.

Unang pagkaka-mali ko pala ‘nung nahuli ko ang sarili ko na naka-titig sa’yo. Naubos lang ang oras ko sa kaka-pantasya kung hawak ko ang kamay mo.

Kung sana lang, nanatili ako sa lugar ko, walang nawasak na puso. Wala sanang nasaktan, wala sanang sigawan ng matatalim at malamig na salita.

Kung nagpa-tuloy lang ako sa pag-lalakad palayo sa mga tingin mo, sana, hindi ka lumuluha, hindi nag-makaawang manatili ang tayo.

Paano kung hindi naging tayo?

Sana masaya tayo pareho.

Hindi sana natin nasaksak ang isat-isa ng patalim ng galit, pait, at pag-sisisi.

Wala sanang siraan sa pagitan ng ating mga kaibigan. Walang bagsakan ng mga sikretong dapat ay nakatago lang.

Sana walang mga taong magpapa-alala sa’tin ng nakaraan kung sa’n akala natin pang-habang buhay na ang saya.

Sana walang mga kantang magpapa-lambot sa tuhod natin tuwing ito’y tumutugtog.

Sana walang litratong iiyakan bago burahin, walang alaalang babalikan, walang lugar na iiwasan kung sa’n tayo unang nag-kita.

Sana tuwing matutulog ako, ‘di ko kailangang piliting pumikit para ‘di makita ang dating lugar mo sa kama, pwesto mo sa pag’tulog, o marinig ang mahina mong pag-hilik.

Sana ‘di ako paulit-ulit titingin sa phone, umaasa na baka may mensahe ka, kahit huli na.

Edi sana ‘di ako mauuhaw sa yakap mo tuwing pagod ako, o sa halik na nag-babangon sa bugbog kong isip dahil sa magulong takbo ng buhay ko.

Kung hindi naging tayo, sana walang nasaktan. Sana ‘di kita nasaktan. Sana ‘di mo ‘ko nasaktan.

Sana payapa pa rin ang mundo. Sana walang kahulugan ang pangalan mo. Sana walang boses na hahanapin ‘twing kailangan ko ng mag-tutulak sa’kin palayo sa dilim.

Sana walang pangarap na nabuo. Sana walang dalawang palapag na bahay, kasama ang dalawa nating anak habang ikaw at ako ay inaabot pa rin ang mas mataas na pangarap.

Sana walang petsa na kailangan kong kalimutan, o pabango na kahit kailan ay ‘di ko na ulit malalanghap dahil kasabay mo na ‘tong inihip ng hangin.

Sana ‘di natin tatanungin kung sino bang mali, may kulang ba, may sadya bang dahilan kung bakit kailangan nating bumitaw sa isat-isa.

Sana sa tuwing gigising ako, hindi ko ipagdarasal na ‘di ka mabungo sa daan na may kasamang iba, pero ang masama pa, sana tulad ko, ‘di ka pa rin masaya.

Sana ‘di ako nagiging maramot ngayon, kung sana lang ‘di naging tayo. Sana hindi ko hinihiling na naguguluhan ka pa rin tulad ko. Ayoko na makita kang ayos na habang ako, hilo pa rin sa nangyari sa’tin.

What if ‘di na lang naging tayo?

Walang pangakong naiwang lumulatang sa kawalan. Walang pangarap na inihip ng hangin palayo sa kabundukan. Walang pusong nabaon sa ilalim ng mga bato.

Kung hindi naging tayo, sana ‘di natin nalaman na wala sa’ting perpekto. Kung hindi naging tayo, mag-kaibigan pa rin tayo. Tulad ng panahong puro biruan at asaran lang ang ganap. Tulad ng panahong walang iwasan tuwing ika’y nasusulyap.

Sana, naka-ngiti ka pa rin sa’kin at naka-ngiti rin ako sayo. Sana madali lang hi at hello. Sana pwede pa kitang tanungin kung kamusta ka o ayos ka lang ba.

Sana ‘di ko na lang hiniling na maging tayo. Edi sana, payapa pa ang buhay nating pareho.