Isa ka din ba sa mga tulad kong kada sumasapit ang bagong taon ay may mga bago o hindi kaya ay mga New Year’s Resolution na siya din namang mga New Year’s Resolution ng nagdaang taon?
Mga sandamakmak na lista ng mga nais mong gawin, mga nais mong baguhin at mga nais mong makamit bago na naman matapos ang taong 2022.
Mga lista na hindi naman naiiba sa nagdaang taon. Lista na kung saan ang mga ilan dito ay hindi mo nasimulan, walang pagbabago or masaklap ay walang nangyari.
Nakakasawa…nakakapagod. Parang walang saysay. Parang walang humpay…
Ngunit narito ka na naman. Muling isinusulat ang mga bagay na nais mong magawa o makamit nitong taon. Mga bagay, gawa or pangyayari na maaaring maging gabay mo sa araw-araw o mga bagay na makakapagpabago sa iyo sa taong kasalukuyan at maaaring magawa mo’t tuluyan nang mawala sa susunod mong pag-akda ng New Year’s Resolution sa taong susunod – 2023.
Wala namang masama sa paggawa ng NYR. Walang nagbabawal. Walang dapat maging sagabal.
Kung hindi mo man nagawa ang mga nailista mo nang nagdaang taon, maaari mo parin itong isama sa kasalukuyang taon.
Wala ka namang kalaban, wala kang ka-kumpetensya…kundi ang sarili mo.
Tulad ng riyalidad ng buhay. Sa iyong paglalakbay ay nariyang mabilis ang takbo at usad ng iyong buhay o kung hindi naman ay pakiramdam mo’y napakabagal sa dami ng pangyayari at mga hadlang sa iyong dinaraanan.
Nadapa ka ma’t nasugatan, muli ka pa ding tatayo’t itutuloy ang paglalakbay. Masugatan ka ma’y maaari pa naman itong maghilom. Mag-iwan man ng marka’y gawin na lamang leksyon at gabay habang patuloy sa paglalakbay sa tinatahak mong landas ng iyong buhay.
Kaya magpatuloy ka lang… magawa mo ma’t hindi ang mga ‘yan, walang dapat ikabahala…walang dapat ikahiya.
Dahil tulad ng sabi nila C’est la vie…