Current Article:

Bukas na liham para sa taong nais kong makasama habambuhay

Bukas na liham para sa taong nais kong makasama habambuhay
Categories Waiting

Bukas na liham para sa taong nais kong makasama habambuhay

Magandang Buhay!
Kamusta ang buong maghapon? Napagod ka ba sa maghapong pagtatrabaho o kaya ay nalulunod ka na ba sa isang tambak ng readings na ibinibigay ng prof niyo? Naghahanap ka rin ba ng trabaho tulad ko? Marahil ay napapagod ka na at tila nawawalan na rin ng pag-asa. Ngunit alam ko na hindi ka sumusuko upang abutin ang mga pangarap mo hindi lang para sa iyong sarili, kundi pati na rin sa iyong pamilya at para rin sa bayan.
Marahil ay pumapakat ka ngayon para imulat ang masa sa tunay na kalagayan ng bansa. Naghahangad ka rin ng mapalaya ang iba’t-ibang uri mula sa pagsasamantala at pang-aapi at mabasag ang sistemang umiiral at palitan ito ng panibago. Marahil sa kagusuthan mo rin silang mapalaya ay na-house arrest ka na rin ng mga magulang mo dahil sa pagiging aktibo sa mga pagkilos. Alam ko ring maiintindihan rin nila ito sa bandang huli. Hindi lang sila ang nais mong palayain, kundi pati na rin ang sambayanan.
Alam kong may dahilan kung bakit hindi pa rin dumadating ang tamang panahon para sa ating dalawa. Maaaring hindi pa tayo nagtatagpo, maaaring matagal na tayong magkaibigan o magkakilala, pwedeng wala pa tayong nararamdaman sa isa’t-isa o kaya ay hindi pa ito ang tamang panahon para aminin sa isa’t-isa ang ating nararamdaman, maaaring nag-aaral ka pa o di kaya ay nais mo pang abutin ang mga pangarap mo sa buhay. Pwede rin na gusto mo munang i-establish ang sarili mo bilang isang career woman. O baka naman, hindi ka pa handang magmahal kasi niloko ka ng ex mong mukhang kalyo. Hahahaha!!!
Sa araw-araw, laging kong ipinanalangin sa Dakilang Maylikha na sana ay makilala na kita. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin kita nakikilala. Alam ko na talaga ang dahilan kung bakit hindi pa rin kita mahanap at hindi pa inihahanda ng Maykapal ang ating pagtatagpo. Hindi pa rin ako buong-buo. Wala pa akong trabaho sa ngayon, hindi ko pa naaabot ang pangarap ko na magkaroon ng sariling bahay at lupa, pati yung gusto kong mabili na sasakyan.
Hindi pa ako enrolled sa MA ko sa UP Diliman, hindi ko rin alam kung kakayanin ko rin bang kumuha ng PhD kapag natapos ko ang MA ko. Hindi ko pa napapagtapos ng kolehiyo ang bunso kong kapatid. Marami pa ang kakainin kong bigas. Pihadong tataba ako nyan. Hahahaha!!!
Yung relasyon ko sa Kanya, pilit ko pa ring pinapatibay kahit na nakikita ng mga tao na naglilingkod ako sa Kanya. Marahil alam mo na rin ang aking kwento mula ng nagkilala tayo na bata pa lang ako ay maagang ipinakilala ng Lolo at Lola ko ang Diyos sa akin sa pamamagitan ng pagsama nila sa akin sa pagsisimba tuwing Linggo. Habang kinikilala ko ng husto ang Diyos, may mga nakakatawa ring kwento akong nabanggit sayo. Hindi ko na lamang isasama sa liham na ito ang detalye.
Alam ko sa mga sandaling ito ay hinahanap mo ang Diyos sa buhay mo. Nais ko lang sabihin sayo na kailanman ay hindi Siya nawala sa iyong tabi. Sinasamahan ka Niya sa bawat pagsubok na pinagdadaanan mo. Alam ko ring nakakaramdam ka ng tawag mula sa Kanya na maglingkod.
Hayaan mong sa sandaling tayo ay magkita ay aakayin kita patungo sa Kanya. Alam kong nais mo ring mapaglingkuran ang Diyos, kahit na sa pinakamaliit na paraang makakaya mo. Sa bawat sandaling pakiramdam mo ay nanghihina ang pananampalataya mo, hayaan mo rin sanang tulungan kita na palakasin ito muli.
Kapag dumating na tayo sa yugtong parehas na tayong handa, pahintulutan mo sana akong makasama ka sa dambana at ihayag ang ating pag-ibig sa isa’t-isa. Nais kong ako ang makakasama mo sa bawat pagtawa, pagluha, at mga mahahalagang sandali ng buhay mo. Paliligayahin kita sa abot ng makakaya ko. Kung hindi man tayo biyayaan ng Maylikha ng mga supling ay nais kong ilaan natin ang oras sa pagtulong sa iba, na siyang nakalaan para sa mga magiging anak natin.
Sana ay makasama kita saanman ako magtungo, idinadalangin ko rin na ako rin ang nais mong makasama saan ka man mapadpad. Mapa-kalunsuran man o kanayunan, pareho nating hahanapin ang lugar kung saan matatagpuan ang kapayapaan at kaligayahan. Sana makasama kita kapag nabigyan ako ng pagkakataon na makapunta ng Roma at makita ng malapitan ang Santo Papa kahit isang beses man lang sa talambuhay natin. Sana tayo rin ang isa sa mga unang dayuhang makakarating ng North Korea kapag binukas na nito ang kanilang bansa sa lahat.
Sa sandaling tayo ay magtagpo, nais kong siguruhin na maiingatan ko ang iyong puso. Hindi ko hahayaan na madurog ito dahil sa akin. Nais kong ingatan ka na parang isang pinakamakinang na bato na hindi hahayaang manakaw ng iba. Dahil alam ko sa sarili ko na kapag tayo ay magtagpo, ikaw ang kaloob sa akin ng Maykapal.
Hanggang dito na lang muna ang aking liham. Nawa ay mabasa mo ito. Alam kong naghihintay ka na rin sa aking pagdating. Kaunting hintay pa at magkikita rin tayo.