Sa susunod na pagkakataon,
Sa muling pag-ikot ng panahon,
Sa pagsikat na muli ng araw,
Sa bukas na akin ding ulit matatanaw,
Muli akong magmamahal,
Muli akong susugal.
Hindi man para sa’yo, mahal.
Pangako, matutupad din ang mga dasal.
Ang makilala ka’y labis kong ikinatuwa,
Puso ay napuno ng galak na bigla.
Akin ring inaamin na minsa’y idinalangin,
Sana magtugma ang ating mga damdamin.
Ngunit ang saya ay napalitan ng pangamba,
Ang puso ay napuno na ng pagdududa.
Mukhang isa na naman itong pagkakamali,
Ang mahulog mag-isa ay sadyang hindi madali.
Para sa iba ito’y isa lamang kahangalan,
Pero, ano pa nga ba ang magagawa?
Puso at isipan ay ikaw ang nilalaman,
Idadaan na lamang ba ito sa pagluha?
Kaya, kung ako man ay mapagbigyan,
Ang hiling ko ay ganito lamang,
Matagpuan ko na sana ang nakalaan,
Nang ang damdamin ay maging alaala na lang.
Ngunit habang ito ay ‘di pa ang reyalidad,
Nais ko rin sanang ilahad,
Nawa ay magawa kong mahalin din ang sarili
At paghilom mula sa’yo ay mangyari.
Kung hindi man ito kalabisan,
Hiling mo ay sana ganito rin.
Damdamin mo man ay ‘di sa’kin laan,
Alam ko isa kang mabuting kaibigan.
Huwag ka sanang mag-alinlangan,
Galit o sakit ay ‘di ko sa’yo isinisisi.
Nais ko pa ngang ika’y pasalamatan,
Aral na idinulot mo’y sadyang napakarami.
Matagpuan mo rin sana ang pag-ibig,
Batid kong ‘yan din ang dasal mong nais madinig.
Kamalasan at ‘di mo sa akin ito naramdaman,
Ngunit alam ko na sa iyo ay mayro’n ding inilaan.
Liham kong ito ay paano ba wawakasan?
Salamat at paalam sa iyo akin nang itinuturan.
Dito na nagtatapos ang nilalaman,
Munti kong damdamin akin nang pinapakawalan.