Sorry.
“Bakit ka ba single?”
Kasi umatras ako. Kasalanan ko. ‘Di dahil bawal, ‘di dahil walang manliligaw, ‘di dahil puso ko’y naliligaw. Single ako kasi ako ang umayaw.
Alam ko kung anong pakiramdam ng inlove. Masaya, parang kompleto ka dahil sa mga ngiti niya. Sino bang ayaw ma-inlove?
Meron na akong chance na magkaroon ng relasyon, pero wala akong ginawang aksyon para mabuo ang koneksyon.
“Bakit?”
Kasi nag-panic ako. Paano kung iba pala siya sa pinapakita niya? Paano kung masaktan ko siya? Paano kung saktan niya ako? Paano kung bigla siyang umayaw habang ako malayo na ang tanaw sa mga araw na sana ay pagsasamahan namin? Paano kung may humadlang? Paano kung may dumating at bigla siyang inagaw? Paano kung magka-iba pala kami ng pananaw? Paano kung ‘di pala kami para sa isat-isa? Paano kung panandalian lang pala ito? Paano kung nalilito lang pala tayo?
Masaya sana ‘yung mga araw na magkasama tayo, pero ‘nung nalaman ko na pareho pala tayong may nararamdaman sa isat-isa, natakot ako.
Bakit? Kasi ‘di ako tulad ng iba na nilalaro lang ang relasyon na nakukuha nila. Seryoso ako. At paano kung ikaw, hindi? Paano kung, ikaw pala ang simbolo ng lalaking ayaw ko at ‘di ko lang ito makita sa puntong nagkaaminan tayo?
Ayokong masaktan. Sa dinami-rami na ng aking napag-daanan, ayoko nang masaktan.
Pasensya na kung para sa’yo naging paasa ako. Pasensya na kung akala mo magiging tayo. Akala ko kaya kong hawakan ang kamay mo at hagkan ang mga ngiti mo, pero duwag ako.
Natakot ako. Nagpanic ako. Umatras ako.
Pero, mas pipiliin ko pang maging duwag kaysa maging hindi sigurado at manakit sa huli habang ikaw pala ang naging seryoso. Ayoko maging delikado.
Kaya sa mga taong takot pa mag-mahal, sa mga taong wala pang naging relasyon dahil sa parehong rason, ‘di ka nag-iisa.
Dahil sa mundong ito kung saan mahirap maghanap ng pagmamahal na totoo at mga taong manloloko, mas mabuti nang maging sigurado. Sigurado na mamahalin ka niya ng buo at sigurado ka na siya na nga ang para sa’yo.
Kaya sorry kug sinayang ko ‘yung sparkĀ na meron tayo, ‘yung koneksyon na nabuo, ‘yung saya na binigay mo, at dahil nasayang kita.