Hindi ko man gustuhin ngunit kailangan kong manatili rito
Uupo na lamang habang pinagmamasdan ang malawak na kalangitan
Patuloy na nag-aabang
Kasama ang aking alagang aso na si bantay
Habang kinakain ang isang pirasong tinapay na ibinigay sa akin nung mamang napadaan
Walang pakialam sa kung anong maaaring sabihin ng mga taong mapanghusga na sa talim ng kanilang mga tingin ay unti-unti akong sinusugatan
Hindi alintana ang oras at ingay ng kapaligiran
Dahil hindi kayang tumbasan ng ingay ng mga nagdaraanang sasakyan ang ingay na nararanasan ko
Ingay na kasing lakas ng sipol ng hangin habang may bagyo
Ingay na hindi basta-basta maririnig ng ibang tao
Ingay na kayang basagin lahat ng katahimikang matagal ko nang hindi natatamasa
Kailan kaya ito titila?
Hanggang kailan ako kakapit sa pag-asang maaari pang mabago ang lahat?
Hanggang kailan ako mananatiling ganito?
Sana huwag dumating ang araw na bigla na lamang akong maglaho
Maglaho nang wala man lang nakakaalam
Ako ngapala si Sino, isang pulubi
At ang lansangan ang nagsisilbi kong tahanan
Current Article: