Joshua O. Tolentino: Sana ito na ang huling beses na magsasayang ako ng pagod at tinta para iparating sayong mahal kita
Sana ito na ang huling pagkakataon na maaalala kita sa aking pagtingala sa mga tala
Sana ito na ang huling beses na maloloko ako ng ngiti sa labi mo
Sana ito na ang huling gabing aasa ako na magiging tayo
Sana
Sana….
Sana umiwas na akong mapalapit sayo
Para hindi na kita minahal ng ganito
Para hindi ko na din naisama ang pangalan mo
Sa mga plano ko
Sa buhay ko
Sana naisip ko na maling magkagusto sa isang tao na
Sa ibang tao nakabaling ang puso at mata
Sana bago ko naipakita sayo na mahal na mahal kita ay naisip ko na hinding hindi ako yung tipo ng taong ipagdadasal mo
Ipagdadasal sa panginoon na hawakan ang kamay mo sa ulan
Sana naisip ko din na hindi ako yung gusto mong makayakap sa malamig na gabi
Hindi ako yung taong gugustuhin mong makasama gumawa ng masasayang alaala
Dahil ako lang yung taong gagawin mong taga punas ng iyong luha
Ako lang yung taong sasalo sa lahat ng hinanakit at galit mo sa mundo
Hinding hindi ako yung gugustuhin mong makasama sa ilalim ng kalangitan sa hatinggabi para makausap sa mga pangarap mo
Hindi ako yung taong sasabihan mo na “ikaw ang pangarap ko”
Sana alam mo kung gaano kasakit na nakikita ko sa mga mata mo na gusto mo ako
Kaso naduwag kang sumugal dito sa laro
Na
Siguradong
Hindi tayo ang mananalo
Siguro nga
Ako lang ang nakakaramdam ng lahat
Ng saya ng lungkot sa tuwing tayo ay magkasama
Sana alam ko din kung papaano kumawala
At sana ito na ang huling tula na magsasayang ako ng lakas at ng tinta
Sa pagpapatunay na mahal kita
Current Article: