Maraming relasyon ang natapos sa kadahilanang, may isa na wala nang nararamdaman, may isa na napagod na o maaaring may isa na napamahal na sa iba. May mga konkretong dahilan. Pero iba ang kuwento natin sa kanila, dahil nagsisimula pa lamang tayong bumuo ng unang pahina ay binitawan na kita.
Sa ‘sanlibong pag-aalingan ko sa aking nararamdaman, sa ‘sanlibong pagdududa ko sa iyo kung totoo mo ba akong minamahal at sa katotohanang hindi kita mapanindigan, tinapos natin ang lahat. Natakot ako na sa dulo ako ang iyong iiwan, na ako ang iyong sasaktan pero sinong mag-aakalang sa dulo ang kakaharapin ko ay ang kabaliktaran? Mas malalim pala ang sugat na maiiwan sa iyo at hindi ko matanggap na ako ang dahilan. Hindi ko na marahil ito masasabi pa, ngunit maniwala ka, kung anong lalim ng sugat na iniwan ko sa iyo ay katulad rin ng nararamdaman ko. Pero ako ang nagpasya at pumili nito. Pinili ko na pareho tayong masaktan sa labang ito. Marahil nga, mahina ako. Dahil sa kabila ng karuwagan ko, pilit mong sinasabi na ayos lang ang lahat ng ito, na tama lang ang pagpapasyang pinili ko, na makahahanap pa ako nang mas higit sa iyo. Akala ko ay mapalalaya ako ng mga salitang ito, pero bakit mas nauunawaan ko ang lalim ng kahulugan ng kalungkutan habang binabasa ko ang mga huling mensahe mo?
Sa pagtatapos ng kuwento nating dalawa, bakit doon ko mas naunawaan at naintindihan na minamahal na nga talaga kita?