Current Article:

“Handa ka na ba magmahal ulit?”

“Handa ka na ba magmahal ulit?”
Categories Poetry

“Handa ka na ba magmahal ulit?”

Paano kung ang hinihintay mong bukas ay kahapon na pala?
Paano kung ang dating mali ay tama na?
Paano kung ang hinahanap mo’y nasumpungan na,
At ang akala mong malayo ay malapit lang pala?

Bibigyan mo ba ng pagkakataon ang sarili?
Handa ka na bang sumugal muli?
Paano kung hindi ito ang gusto ng langit,
Handa ka bang maligaw at masaktan ulit?

May sugat sa pusong mananariwa
May mga naiwang pilat na muling maaalala
Handa ka bang humarap ng buong ikaw sa kanya,
Walang pagpapanggap o pagkukunwari-kunwarian kung sino ka?

Kapag sa bawat hindi may oo na kapalit
At ang bawat tanong ay palagi nang may bakit
At kapag wala kang masagot na dahilan
Handa ka na nga magmahal muli kaibigan.

Handa ka na sa hindi makasariling damdamin
Dadalas na siya na ang dahilan ng paggising
Babangon ka sa umaga nang hindi mapakali
Magiisip kung paano mo siya mapapangiti.

Handa ka na gumuhit ng bahaghari sa kanyang labi
Handa ka ng sumungkit ng bituin sa bawat sandali
Sa tuwing maghahanap siya ng patunay
Na siya ang kulay at liwanag ng iyong buhay.

Handa ka ng mapipi kapag siya ang galit
Mabingi sa anumang usapan sa paligid
Handa ka ng magpatawad kahit siya ang mali
Hihintayin mo siya kahit ikaw na mahuli.

Matotoo kang mas magtipid ng oras
Dahil alam mong mabilis itong lilipas
Hindi na uso ang pagtigil ng mga kamay ng relo
Dahil sa piling niya wala ng panaginip, lahat na totoo.

Susulitin mo ang bawat sandaling walang patlang
Sa pagitan ng inyong mga kamay
Walang malayong distansya ang pagkakaunawaan
Dahil hindi na kayo bata kung mangatwiran.

Handa ka ng humugot ng tapang
Ipaglalaban mo siya sa mundo o kanino man
Maging sa sarili mo hindi ka pahahadlangl’
Pareho nalang ang pananatili at paglisan.

Dahil handa kang palayain siya anumang oras
Dahil alam mo ang pagkakaiba ng pusong tapat sa pusong nakaposas
Ngunit hindi mo hahayaang umabot pa sa ganitong tagpo
Dahil ang taong minahal ng totoo ay marunong magmahal ng totoo.

Araw araw mong ipaparamdam ang pagibig ay hindi mayabang
Dahil hindi ikaw ang unang nagmahal o unang binigyan
At kapag nakita mo ang sarili sa maling paraan ng daigdig
Ibaling mo ang iyong mata sa puno’t dulo ng pagibig.

Sa mundong hindi tiyak o sapat ang dapat ay para sayo
Ikaw ay magmamahal muli ng totoo
Dahil alam mong may ibibigay sayo ang langit
Sa tamang panahon mas sumisibol ang tunay na pagibig.

Tatanungin ko pa ba kung handa ka na magmahal ulit?