Walong taon kay tuling lumipas
Akala ko’y sapat na upang ika’y malimutan
Mga karelasyon ko’y dumating at nang-iwan
Ngunit pagkakaibigan natin di naputol kahit kailan
Sinubukan kong ibaling damdamin kong bigo
Sa mga lalaking akala ko pag-ibig ay totoo
Sa isip ko’y patuloy na umaasa
Sa dulo kaya ikaw pa din ang makakasama
Nalulong ka sa bisyong pilit mong nilabanan
Napariwara at landas ay naligaw ng tuluyan
Sinisi kong muli ang sarili na ako ang dahilan
Kapatawaran mo kaya ay akin pang makakamtan
Salamat sa Diyos panalangin ko ay dininig
Bumuti ka at nakahanap ng bagong pag-ibig
Ngunit tila ba sa pakiramdam ko ay may mali
Di ba dapat ako’y lumigaya para sa iyong pagwagi
Ngayong ako naman ang tila kandilang nauupos
Mabibigay mo kaya kahit isang yapos?
Sa dami ng aking mga pinagdaanan
Tila yata sa daang nakasama ka doon ako mananahan
Sa madaming taon na di tayo nagkita
Sa chat lang akala ko ay sapat na
Nakalimutan kong suriing mabuti
Sa aktwal nga kaya ay kaya kong dalhin ang aking sarili
Sa dating tayo na naglalaro sa aking isipan
Sa mga nakaraang ating nabalikan
Lalo akong naniwalang ikaw ang aking tahanan
Tanging taong gusto kong makasama sa tagumpay ko at kalungkutan
Ngunit tila kay damot ng mundo
Noong mga panahong ako pa ay gusto mo
Ako naman ay nagbukas ng ibang mga pinto
Sa ating ngayon na ikaw naman ay may iba
Sino ba ako para pigilan ka
Hayaan mo na lang akong maging kaibigan ka
Hanggang matanggap kong ang tayo nga pala ay wala na…