Current Article:

a poem for the man I love enough to let go

a poem for the man I love enough to let go
Categories Relationships

a poem for the man I love enough to let go

Pinto.

Sa buhay may mga pintong kusang sumasara. 

Hindi mo kailangang hilain o pilitin

Sa sarili nitong hamba ito’y sasara.

Meron din mga pintong kailangang hawakan 

Pigilan ang pagsara dahil baka sa oras na ito’y masarado

Di na muling bubukas ang nakakandado.

May nakita rin akong mga liwanag na unti-unting pumapasok sa silid

May pintong bumukas

Hindi ginusto, hindi pinilit pero nasilayan ang buhay na bukas

Sa saya, kislap at ligaya

Hindi akalain pero alam Niya na akin itong kakailanganin.

May mga pinto rin na kailangang isara gaya ng mga nota 

Na may balangkas kung kailan ka tataas o bababa

Kailan ka tutuloy o hihinto

Pinto na kailangan ikaw mismo ang humila, di na pasukin at ikandado.

May pinto akong isinara

Para sana sa gabi lamang na ito

Habang hindi ba sumisilip ang sinag 

Pinto na ilang beses sinubukan hawakan ang hamba

Sinubukang ilaban kahit nakikitang di na natin kaya

May karapatan bang masaktan kung ako ang kusang nagsara

Walang tumulak, walang nag-utos

Paano ba ako sa dilim makikipagtuos

Kakayanin bang harapin ang basag na piraso 

Kung ikaw na tanging kislap sa gabi ay pinagsarhan ng pinto. 

May karapatan bang umiyak ang mga bumitaw

Kahit na ang pagbitaw sayo ay ang pagpili na mahalin ka

Ng dito lang sa malayo. 

Darating ba ang pagtunog ng kampanang 

Nagsasabi na pwede ka nang lapitan

Pwede nang sintahin ng hindi nakikipagdigma

Darating ba ang pagpatak ng oras na magsasabing pwede nang buksan ang pinto

At umaga na, sumisilip na ang araw

Sana balang araw masabi na ang pagbitaw ay hindi nasayang

Sana tumunog ang kampanang hudyat na akin sayo’y mapapaintindi

Na ang aking pagbitaw ay siya ring aking pagpili 

Pagpiling mahalin ka.

Hindi ka binitawan upang pagsarhan ng tuluyan

Sinarhan ng pinto, dahil di kayang makitang ika’y makukulong sa magulong silid na aking pinaglalagyan 

Batid kong ika’y magkaroon ng layang libutin ang mundo 

Hulihin ang alitaptap ng gabi

Saksihan ang pagsikat ng ginoong araw 

At tanawin sa bundok ng tagumpay ang pababang araw hudyat ng pahinga

Hindi ka nararapat lumakad sa apat na sulok na puno ng bubog

Hindi kakayanin ng puso na patuloy kang manahan sa tahanang hindi ka maaaring tumahan

Patawad kung aking piniili ay siyang pagsara ng pinto

Akin munang ikukulong ang sarili

Iintayin ang tunog ng kampana

Iintayin ang tunog ng pag-awang ng pinto

Muling pagbukas nito. 

Sana sa oras na nalinis na ang dumi ng aking silid

Ika’y tapos na sa paglibot sa maringal na mundo

Sana sa oras na nahanap na ang lampara ng aking tahanan

Ang bukasan ng bintana

Sa oras na sapat na ang araw upang liwanagan ang aking buhay

Dumating ka. Dumating ka sa likod ng pinto na aking laging sinasandalan

Kumatok ng walang alinlangan

Pasukin muli ang aking silid

Sana sa oras na handa na ang apat na sulok na aking pinaglalagyan

Mayroon na ring sapat na sa puso mo upang aking paglagyan. 

Sa tamang panahon

Hihilingin na sana ikaw pa rin ang muling bubukas ng pintong isinarado,

Isang hiling ang ibubulong kada segundo 

Na ako’y nakatayo sa likod ng pinto.

Sana ikaw pa rin ang kakatok na ang aking mabubuksan

Nakatayo at may dalang bulaklak na aking paborito.