Under pressure? Shout “Help!”
Categories Short Story

Under pressure? Shout “Help!”

Nakakatawa pero, dalawang beses ko ng naranasan. Habang abala akong naglilinis at naghahanap ng pagkakaabalahan. Ganito ako tuwing madaming gumugulo sa isip at puso ko. Ito siguro ang paraan ko para makatakas saglit, sa mga agam-agam. Kung pagod ang katawan ko baka mapagod din ang isip ko, baka lang naman kahit maibsan lang panandalian.

Sinubukan kong linisin ang sobrang duming sahig baka pwede pang ibalik sa dati, balde dito lampaso doon. Parang puso natin at isip na nabahiran na din ng karumihan, takot at hinanakit.

Hinawi pati mga agiw, animo’y nagpapaalala na matagal na pala, kita mo nga at binahayan na.  Katulad ng mga alaala na akala natin matagal na, pero masakit pa din pala, binabahayan na din ng mga katanungan, paninisi sa sarili o sa Iba at galit!

At ang pinaka nakakuha ng atensyon ko, ng maliligo na ako. Noong ako nalang magisa, sarado ang pinto at handa ng maligo. Biglang nasira ang gripo, pagkapihit ko. Sa sobrang lakas ng daloy ng tubig, sinubukan kong hawakan at pigilan. Nagumapaw na ang tubig sa mga balde o lalagyan at wala na akong mapaglagyan. Sobra ang lakas ng tubig, ng pressure, hindi ko alam kung paano ko bibitawan ang gripo at bubuksan ang pinto. Hanggang napasigaw na ako ng “TULONG…. TULONG!!!”

Agad agad naman dumating ang saklolo at dahil nakakandado ang pinto, ayon at ang solusyon pinatay ang pinaka daluyan ng tubig.

Tsaka ko napagisip-isip, hindi naman kailangang harapin mo ang “Pressure ng buhay” ng mag-isa, DAHIL kailangan mo ng TULONG, maniwala ka… May darating na saklolo, sumigaw ka lang ng “TULONG!”