Isang-Libong Letra
Categories Move On

Isang-Libong Letra

“Lungkot at pait aking napadama
Yakap at halik nais kong madama

Pag-ikot ng mundo tila ay huminto
Iyong pag alis di ko man lang napagtanto

Hanggang kailan magtitiis
Hanggang kailan mamimiss

Bawat araw na dumaraan
Umaasang damdamin ay gumaan

Iyong mukha parati ang nasa isip
Kasama hanggang sa panaginip

Bawat pagsikat ng araw ay nananabik
Pinapanalangin ang iyong pagbabalik

Sana pag dilat ko makalawa
Muli ay tayo ng dalawa”

Hindi ko alam kung saan, kailan o paano nagsimula. Sa laro naming magkaklase o sa trip mong pagtatago ng sapatos ko. Sa palitan ng mga mensahe o sa paglalakad lakad dahil walang pamasahe. Ano paman ang dahilan, ako ay labis na nasiyahan. Lumipas ang mga araw, lingo, at buwan at tuluyan na talagang nahulog ang loob ko sa iyo. Simula high school hanggang tayo’y naging magkasama sa trabaho, ikaw ang aking naging lakas. Nakilala ka ng pamiya ko, naging malapit ka sa nanay ko. Nakasama ko ang iyong pamilya, naging malapit sa iyong mga pamangkin. Hindi ko man masasabing buo ang aking pamilya, nakahanap ako ng pamilya sa piling mo.

Hi. Dalawang letra ngunit kung anong saya ang dala. Sa unang pag uusap, medyo nahihiya pa tayo sa isa’t isa. Nasa isang slide nakaupo. Tanaw ang ilog habang nagbibilang ng mga sasakyang dumaraan sa tulay. Hi. Unang dalawang salita mo. Halos hindi mo pa nga mabanggit. Naisip ko, mag mamatch kaya tayo? Isang lalakeng tahimik lang sa klase at isang babaeng tila nakalunok ng megaphone. Sobrang magkasalungat tayong dalawa. Ngunit sa pagdaan ng mga araw, tayo ay mas lalong nagkalapit. Tandang tanda ko pa ang unang beses na binigyan mo ako ng pagkain sa classroom. Halos sumabog ang puso noong mga panahon na iyon dahil sa kilig. Mas nagkalapit tayong dalawa hanggang sa nakagawa ng mundo na tayo lang ang nakakaalam. Mas lumalim ang pagtingin ko sayo. Hanggang isang araw nagbago nalang ang lahat.

Mahal Kita. Siyam na letra. Sinong mag aakala na tayong dalawa ay magtatagal ng ganito? Anim na taon at mahigit. Isang malaking tagumpay sa ating relasyon dahil hindi lahat ay umaabot sa gantong mga numero. Hindi ko masasabing masaya kasi dumaan rin naman tayo sa lungkot. Hindi ko masasabing hindi nakakasawa kasi dumaan rin naman tayo sa panahong hindi tayo nagkakaintindihan. Pero masasabi kong naging makabuluhan ang bawat araw na ikaw ay nakasama. Mas nakilala ko ang aking sarili. Mas naging matatag ako. Mahal kita sa paraang alam ko. Mahal kita.

Pasensya. Walong letra. Ang tagging nasabi mo noong tayo ay nagpasyang palayain ang isa’t isa. May nasabi akong mga salita na alam kong masakit para sayo. Paumanhin kung hindi ko napigilan ang aking bibig. Paumanhin dahil nabigyan kita ng dahilan para tuluyan ng bumitaw. Alam ko naman na lahat ay ginawa mo para maisalba ang relasyong ito pero umabot na talaga tayo sa dulo. Nakikita ko ang mga sakripisyong ginagawa mo para sa akin. Ang pagsundo sa akin ng madaling araw galing sa pag-aaral buong magdamag. Ginagawa mo kahit na malakas ang ulan, kahit na ikaw ay may lagnat. Pasensya kung ako ay nagkulang. Pasensya kung hindi ko lubusang nakita ang mga bagay na ginagawa mo para sakin. Pasesnya ako ang naging makasarili. Ngayon, tapos na ang pagpapasensya. Tapos na ang mga pangungunsinte. Tapos na ang mga panahon na kailangan mo pa akong tiisin.

Salamat. Pitong letra. Ang nais ko lang malaman mo. Salamat sa mga masasayang araw na dala mo. Salamat sa mga galaang hindi ko inasahang magagawa natin.  Salamat sa pagmamahal at pagaaruga. Salamat sa bawat oras at araw na ikaw ay nakasama. Nais ko lang malaman mo na labis ang aking galak na nakilala kita. Hindi ako makakapag tapos ng koleheyo kung wala ang iyong suporta sa mga panahong nais ko nang huminto sa laban. Hindi ako aabot ng ganito kalayo sa law school kung wala ang mga salitang nagbibigay lakas sa tuwing nakakakuha ng maliit na marka sa mga pagsusulit. Salamat at dinamayan mo ako sa mga panahong akala ko wala na akong matatakbuhan. Salamat sa mga alaala at aral na dala mo. Salamat at nakasama kita ng matagal.

Malabo. Anim na letra. Biglang naging malabo ang lahat. Hindi ko nakita saan nagsimula. Hindi ko napansin unti-unti na palang gumuguho ang pundasyong itinatag. Naging malabo ang lahat. Nawala nalang lahat bigla.

Dapat. Limang letra. Noong nawala na doon lang ako namulat. Doon lang nakita ang lahat. Dapat mas nakita ko ang halaga mo. Dapat mas nakita ko ikaw kaysa sa sarili ko. Dapat hindi ko nalang sinabi ang mga salitang iyon. Dapat mas lumaban ako kaysa sa iyo.

Sana. Apat na letra. Sana sa muli nating pagkikita, hindi natin pagsisihan ang desisyong bumitaw sa isa’t isa. Sana sa muli nating pagkikita ay mas matatag na tayo at mas buo na ang ating pagkatao. Hindi man tayo ang magkatuluyan sa huli nahanap naman natin ang ating mga sarili. Sana ay hindi ka tumigil na hamanap ng rason para maging masaya ulit. Sana mahanap mo ang taong muling magbibigay ng saya sa iyong mga mata at tuwa sa iyong mga labi. Sana sa muli nating pagkikita kaya na nating ipaglaban ang mga bagay na karapatdapat ipaglaban.

Bye. Tatlong letra. Ang tanging nasabi natin sa isa’t isa. Masakit mang isipin na dito na magtatapos ang storya nating dalawa. Hindi ko malilimutan ang iyong mga ngiti, ang mga pangangaral mo sa akin. Umasa kang ako ay magiging mas matatag sa bawat pagharap ko sa mga hamon ng buhay. Umasa kang dadalhin ko hanggang dulo ang mga natutunan ko sa mga panahong nagkasama tayo. Umasa kang hindi kita malilimutan. Paalam na mahal.

Nagsimula sa dalawang letra. Nagtapos sa tatlo. Ganyan nga siguro ang ikot ang mundo. Minsan masaya, minsan hindi, pero madalas makabuluhan. Parte na talaga ng buhay ng tao na kapag may sinimulan, may matatapos. Mahirap mang tanggapin ang huling tatlong letra hiling ko lang ay makahanap muli tayo ng panibagong masasabihan ng dalawang letra. Maging masaya ka. Magmahal kang muli. Sumubok kang muli. Ako ay hindi na maghihintay. Pinapalaya na kitang tunay. Mahirap pero kakayanin.

Written: 03/29/2019 5:00PM | Posted: 04/02/1019 8:10AM