Liham para sa taong ginawa akong ‘option’

Kamusta ka?

Dalawa sa maraming salita na gusto kong itanong at sabihin sayo ngunit pinipigilan ako ng puso at isip ko. Sa kabila ng mga tanong na gusto kong iparating, hindi ba’t nakakapagtaka kung bakit ko gustong itanong sayo yan? Sa totoo lang, hindi ko rin alam. Sa kabila ng sakit na wala kang kamalay malay na binigay mo sakin, gusto pa din kitang kamustahin.

Oo, gustong gusto kita kausapin.

Kung pwede lang na sabihin sayo kung paano mo ko pinasaya at pinaibig ngunit sinaktan sa huli.
Kung pwede lang sabihin sayo kung paano ako umiiyak sa Diyos para tanggalin Niya yung nararamdaman kong sakit.
Kung pwede lang sabihin sayo kung paano ako nagsakripisyo at nagiwan ng maraming bagay para sayo.
Kung pwede lang sabihin sayo kung paano ko kinwekwestyon ang halaga ko.
Kung pwede lang sabihin ko kung paano ako nahihirapan araw araw dahil hanggang ngayon gusto pa din kita.

Ang hirap. Ang hirap na nakikita kita araw araw at naaalala ko ang lahat ng salitang binitawan mo n kaya’t ang kaya ko lang gawin ay tumingin habang nakatalikod ka. Ang hirap na kahit alam kong hindi pwede, sinusubukan ko pa ring hilingin na makausap ka. Nagbabakasakaling maayos pa natin ito. Hindi ko maitatanggi na umaasa pa din ako na isang araw lalapit ka ng may buong tapang at sasabihing kaya mo na ako ipaglaban…na hindi mo lang ako option..pero dahil mahal mo ako.

Pero alam ko namang hindi mo yan gagawin eh

Eto na lang ang hiling ko

Mahalin mo na lang siya ng totoo at wag mo na lang siyang saktan muli. Maging tapat ka sa pagmamahal mo sa kanya.

Gawin mo yan para sakin

Wag ka magaalala, magiging okay din ako.

Malapit na dumating yung mga oras na hindi na ako malulungkot kasi namimiss kita. Wala ng luha ang tutulo sa twing naiisip kita. Tatawanan ko na lang mga alaala natin. Isa ka na lang sa mga taong dumaan at umalis sa buhay ko.

At higit sa lahat…

Pinapatawad kita

Araw araw akong magdedesisyon na papatawarin kita. Higit at malayo pa sa nais mong humingi ng tawad.

Hindi para sayo. Pero sa sarili ko.