Maraming mga salita
ang gustong kumawala
pero hindi alam kung
paano mailalathala,

mga pariralang hindi
tugma pero tumatagos
sa puso at diwa,

mga damdaming
gustong iparamdam,
pero kung paano
ipapamalas——
yun ang hindi ko alam.

Hindi alam kung
paano nagsimula
ang nakahihibang
na pangungulila,

basta nalang
napagtanto na ang
naghuhuramentadong
puso’y hindi humihinto
pag imahe mo ang
kaharap ko.

Ang iyong malamlam
na mga mata na
nagpaparamdam
sakin ng matinding
kaba,

ang iyong malawak
na pag-iisip na
nagpapamalas ng
iyong walang
kahalintulad na
kisig,

ang iyong nakahahalinang
tawa na kahit palagi ko
mang marinig o makita—-
ang araw ko’y buo na.

Ilang beses kong
sinubukang hulihin
ang iyong pusong
mailap,

ngunit paulit-ulit
parin itong marahas
na umaalpas sa aking
mga yakap.

Ilang beses nang
nabigo at nakaramdam
ng matinding
panibugho,

ngunit ni katiting hindi
nabawasan ang
nararamdaman ng
aking puso.

Kinakain ng sariling
pag-iisip,
mga gabi’y napuno
ng matinding
pighati,

sinusubukang dumulas
ng ulan mula sa
aking mga mata,

ngunit nung umalis
ka dinala mo lahat
pati ang kakayahan
kong lumuha.

Sandali kong
nakalimutan ang
kahulugan ng
pag-ibig,

biglaang naging abo
ang makulay na
mundo,

panandaliang
nabura ang ngiti
sa labi ko,

lahat ng iyon
nawala sa sarili ko.

Ngunit sinubukan
kong buuin ng
paunti-unti,

unti-unting pinunan
ang siwang—-
ngunit nanatili parin
ang puwang.

At sa isang iglap,
nabawi ko—-

nabawi ko,
dahil lahat pala ng
nawala sa sarili ko,

ay dala mo,

at dinala mo pabalik

kasama ang puso mo… 

 

*photo not mine ctto.