Sa murang edad, naranasan ko
ang maraming uri ng laro
Sa lahat ng aking kalaro,
Ikaw ang paborito ko.

Sa murang edad, ako ay nangarap
Ito yata yung tinatawag nilang "puppy love"
Parati kitang gustong makita
makausap, makasama, makabiruan
Pero ngayon ko unang naranasan
maglaro ng tagu-taguan.

Kaso di ako eksperto kaya nahuli mo ako
Saka mo sinabing gusto mo rin ako
Napalundag ang puso ko, lumutang sa ulap
Gusto kong isigaw na ikaw ang pangarap
Kaya dinukot ko ang puso ko
Binigay nang buo sayo
Nagtiwala na iingatan mo ito
Dahil mahal kita at sabi mo, mahal mo ako.

Lagi kang nariyan 'pag kailangan kita
Handang tumugtog 'pag gusto kong kumanta
Tuwing nagseselos ako, susuyuin mo
Bilib ako sayo kasi mahaba ang pasensya mo
Nakakatawa lang kasi,
Para lang tayong naglalaro
Kasi nga bata pa tayo.

Kahit di sigurado ay pinili kita
Dahil akala ko, ikaw na
At kahit pa alam kong matitibag
ang pader sa palibot ng puso ko,
Hindi ako umilag.
Ngunit lahat ng sakit at pagkabigo
na natamasa ng puso
Ay daan pala para ihanda ako
Sa perpektong plano
ng dakilang Arkitekto ng buhay ko
Na hindi nagbabago
At nananatili
Kahit iwan ako ng lahat sa mundo.

Kaya salamat na rin at nakilala kita
Tinuruan mo akong mahalin ang musika
Dahil sayo, naranasan ko ang unang pag-ibig
Natuto akong maging mahina,
natuto akong sumugal,
natuto akong umiyak,
Pero natuto rin akong lumaban,
magparaya,
magpalaya,
Dahil ang tunay na para sa'kin
ay di pinipilit
at hindi minamadali
Kundi ito'y sumisibol
sa pagkakataon
na maiging pinili
ng nag-iisang May-ari at Hari ng buhay ko.

Ngayon, ako ay buo at maligaya
Kahit noon, akala ko ikaw na.