Nababalot ng agam-agam ang aking isipan. Parang paghampas ng alon sa dalampasigan. Atras-abante. Pinagmamasdan ko ang paglubog ng araw na walang kaparis ang ganda habang ang mga paa ko’y napuno ng buhangin. Unti-unti itong binabasa ng mga alon.
Ilang araw at linggo na ang lumipas ngunit ang mga salitang namutawi sayo na hindi ko inaasahan ay nagmarka sa akin. Parang isang matalim na kutsilyong humiwa ng damdamin.
Kailangan pa bang sabihin? Ang sagot ay naging mailap sa akin. Mistulang nagsabog ito sa dagat at tinangay ng mga alon. Atras-abante.
Hanggang sa wakas, ang sagot ay inanod palapit sa akin. Sa gitna ng kalma at takot, nagkalakas ako. Magiging matapang na ako.