Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.

An open letter to my almost

Paano ko nga ba malalaman kung maling tao ang aking pinagbibigyan ng pagmamahal? May “maling tao” ba talaga? O sadyang nasa maling panahon at pagkakataon pa lamang?

Dahan-dahan kong babalikan, lahat ng masasayang alaalang napuno ng kilig, lungkot at mga tawa. Pero sandali, uumpisahan ko kung saan nga ba nagsimulang mag tanong ang puso ko ng mga “sana at baka“. Simula pa lamang, hindi ko na nakita na mahuhulog ako sa isang taong ni minsan hindi manlang ako magawang kausapin upang magkakilanlan. Katabi nga kita, pero damang dama ko ang ilang kilometrong layo ng agwat nating dalawa. Hindi ko rin noon maintindihan na kung bakit kapag sa iba, malayang nakikipag-usap ka. Samantalang ako, na katabi mo sa iba’t-ibang asignatura, tila parang nagiging pipi ka. Magsalita ka man, kapag ako’y may itatanong lamang, o may komento ka sa isang magandang babaeng napadaan. Hindi ko rin alam kung saan, o kailan ba talaga ako nag-umpisang makaramdam ng tila ba parang bumabaliktad ang aking tiyan sa tuwing palihim kitang tinititigan. Aaminin ko, hindi rin ako naging handa. Natakot ako, na baka kapag nalaman mo ang nararamdaman ko para sa’yo, mas madagdagan ang distansya sa ating dalawa. Kaya’t nagdesisyon akong huwag na lamang ipaalam pa, dahil baka tuluyan ka lamang lumayo pa.

While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin:


Hanggang sa lumipas ang ilang taon, kasabay nito ang panibagong pagkakataon, naging mas malapit ka. Isang barkada ng isa sa parte ng aking pamilya. Kinagulat ko itong talaga. Sa pinaka hindi ko inaasahang panahon at lugar, nandoon ka. Hindi ko maintindihan na sa dinami rami ng taong magiging kaibigan ng kuya ko, ikaw pa. Ikaw na ilang taon kong pinagpantasyahan sa panaginip at kahit ako’y gising pa. Ikaw na tingin ko sa dami ng nagkakagusto sayo, wala akong panlaban sa kanila. At kailanman, hinding hindi mo ako makikita. Hindi ko maialis sa puso at isip ko na sana “ako nalang, tayo nalang.” Pasensya na, nakalimutan ko, sino nga ba ako, pero salamat sa kuya ko, naging mas malapit tayo.

Hanggang sa unti unti naging magkaibigan na tayo. Pero tingin ko hanggang dun nalang ako. Hanggang dun nalang tayo. Kaya sinubukan kong kalimutan ka, ang kung anumang nararamdaman ko para sa’yo, at bigyan ng pag-asa ang iba. Pero nagkamali ako, sa tinagal tagal ng panahon, at sa dami ng lalaking dumaan sa buhay ko, ikaw at ikaw parin pala ang laman nito. Hindi ko rin maintindihan kung bakit ganito, bakit nga ba sa lahat ng lalaking dumaan sa buhay ko, nananatili kang nandito. Na ako mismo, hindi ako sigurado kung “pag-ibig” na nga ba talaga ito. Ayokong pangunahan ang kung anuman ang nararamdaman ko. Pero habang tumatagal mas nakikilala kita, ang taong noon ay halos di manlang ako magawang kausapin at matignan, ngayon abot kamay ko nang nakaka kwentuhan ng kung ano ano lamang. Habang tumatagal, pakiramdam ko para sayo, unti unti ring gumagaan. Na para bang wala dapat akong alalahanin at hindi na dapat ako kabahan.

Hindi ko lubos maisip na
aabot tayo sa puntong ito, at sa panahong ito na kung saan, pinaparamdam mo na sa akin, na hindi lang ako basta “kaibigan“. Na may mas mabigat pang salita, bukod sa salitang kaibigan na dati ay masaya na akong hanggang doon na lamang. ngayon, nararamdaman kong unti unti ka naring nagiging totoo ka na sa akin, mas nagiging bukas sa lahat ng puwede mong ikwento, kasama na pati ang mga panaginip mong halos imposible kung magiging totoo, at ganoon narin ako. Mas nagiging kumportable akong ganito tayo, walang ilangan, walang pilitan ng usapan, natural lamang.

Hanggang sa bigla na lamang, unti unti mo na akong nililito sa mga kilos mo. Tulad na lamang ng mga biglaang pagyakap at halik mo, imbes na kilig ang maramdaman ko, naguluhan ako. Kinabahan, at nagsimulang nag-isip ng mga sagot kung bakit, bakit mo ginagawa sakin ang mga ito? Sa dami ng taong nanakit at nagsamantala sa kahinaan ko, pagod nakong magtanong sa sarili ko kaya’t hindi ko napigilang kumprontahin ka, at linawin na.

ano nga ba tayo? At ano ba ako sayo?” Napatigil ka ng saglit, tumawa ako ng pilit. Pero nagsimulang mag-iba ang ihip ng hangin, at tingin ng mata mo sa akin. Naramdaman kong magiging seryoso ka sa mga susunod na salitang sasabihin mo sakin. At ito na nga, habang pinapakinggan ko ang mga sagot mo, unti unti na lamang bumabalik ang isip ko sa mga salitang, ” oo nga pala, kaibigan mo lang pala ako” pero sinusubukan kong intindihin kahit napakagulo, dahil oo, akala ko magkakaroon na ng ikaw at ako, pero nagkamali nanaman ako.

Akala ko lang pala ang lahat ng iyon. Na ako lang pala ang nag-isip ng mga iyon. Pasensya ka na, kung masyado akong umasa na ang aking mga sana at baka, ay sa wakas matutupad na. Oo, kasalanan ko ito, nadala ako sa mga panahong ako lang ang nasasandalan mo. Na ako yung palaging nandito para sa’yo. Ginusto ko naman to, pero akala ko kasi gusto mo narin ako, at akala ko magkakaroon na ng “tayo”. Ngunit hindi parin pala.

Ang sakit pala ano? Ni hindi ko alam kung paano ko kakalimutan na nasasaktan ako. Hindi ko alam kung paano nga ba mag move-on kung hindi naman naging tayo. Ang sakit lang na nahulog ako sa mga kilos mo nang hindi ako nagtatanong kung ano ba ang meron tayo. Pero siguro nga ay hanggang dito lamang tayo talaga, sa pagitan ng simula at walang hanggan, at kailanman, hinding hindi magiging sapat at palaging magiging kulang. Na para tayong Buwan at Araw, na kailanma’y hinding hindi puwedeng magsama. Magkaiba ang oras na itinakda para sa ating dalawa, magtatagpo man, ngunit hindi itinadhanang sisikat ng magkasama.

Maraming mga bituin sa paligid mo, ano pa ba ang laban ko? Siguro nga ay tama sila, nag-iilusyon na lamang ako. Pinaniwalaan ko ang mga ilusyon na kahit kailan hindi magiging totoo. Ngunit sa kabila ng lahat, masaya parin ako dahil umabot tayo dito, kung saan mas nakilala kita at naranasan kong magmahal ng ganito katagal at ganito katotoo.

Pero sa tingin ko ay parte ka lamang talaga ng aking isang pahina, at hindi ng aking wakas na kung saan akala ko ay doon kita makikita. Salamat dahil naging parte ka, habangbuhay kong ipagdarasal na sana ay palagi kang maging masaya, hanggang sa muli, aking Luna.

Send me the best BW Tampal!

* indicates required