Anak, Ako ang magiging lahat sayo
Categories Faith

Anak, Ako ang magiging lahat sayo

Naranasan kong umiyak gabi-gabi, nagtatanong sa sarili, bakit hindi ako sapat.

Bakit hindi ako kasing ganda ng iba, kasing talino, kasing yaman, bakit hindi talented gaya ng iba.

Umiyak gabi-gabi, nagtatanong kung bakit ang baba ng tingin sa sarili

Walang confidence.

Walang ibubuga sa lahat ng bagay.

Kaya hinanap ko sa iba ang halaga. Nagpapasok ng mga taong akala ko makakaintindi

Pero sa huli, hindi pa rin kumpleto.

May kulang.

Nagpakasaya sa akalang tama.

Naligaw.

Nasaktan.

Nabasag.

Bumalik pa rin ako sa tanong na, “Bakit hindi pa rin sapat?”

Paikot-ikot lang sa bawat sulok ng ideyang, “hindi ako sapat” at kahit kailan ‘di magiging sapat

Umiyak gabi-gabi, nagtatanong bakit ba ang dali na bitawan

Bakit ang dali na palitan ang gaya ko.

Nagtatanong kung tunay ba talaga ang pag-ibig

Pati luha dinamayaan ako nung gabing ‘yon

Sa apat na sulok ng kwarto, nanatili ako.

Kasama ng dilim na yumakap sa basag na pagkatao ko.

Umiyak gabi-gabi na hawak ang dibdib.

Ramdam ang sakit na tila ba nilalamon ako

Ramdam ko na ang lungkot ng mundo ko

Walang kulay.

Walang buhay.

Pili ang pinagkatiwalaan ko pero sa huli, bigo pa rin ako.

Maraming bakit, maraming tanong sa isip ko bakit ganito yung buhay ko.

Bakit ‘di patas ang mundo.

Hindi ko magawang humingi ng tulong kasi nakakatakot ako.

Napagod ako maniwala.

Napagod ako magtiwala

Walang handang makinig

Walang nagtanong.

Napagod akong tumingin sa liwanag.

Kaya pinili kong markahan ang braso ng malalim na sugat.

Sa tuwing tinititigan ko ‘to, umiiyak ako.

Kasi kailangan ko pang saktan ang sarili ko para mailabas lahat ng hinanakit ko sa mundo.

Gusto ko magalit

Gusto ko sumigaw

Pero kahit na anong pilit, ‘di ko magawa.

Tila ba isang sumpa na nakakabit na at ayaw akong bitawan.

Lahat ng emosyon at pag-iisip, sinulat ko.

Elementarya hanggang kolehiyo, dala-dala ko ang mga ‘yon.

Sa blankong papel nilagay lahat ng ‘di ko masabi

Pakiramdam ko doon malaya ako.

Malayo sa mapanghusgang mata ng mundo.

Malayo sa takot ng mapanuring mata ng tao.

Malayo sa kahit na sino

Pinili kong maging mag-isa.

Gumawa ng tula ng ako lang nakakabasa.

Gumawa ng sarili kong istorya kung saan masaya

Gumawa ng sariling mundo kung saan malaya.

Sinara lahat ng pinto at bintana ng pagkatao

Pero sa huli, taya pa rin ako.

Sa muling pagkakataon, hinawakan ko ‘yon at muling tinusok sa braso ko.

Namumula at tila ba nagmamakaawa na tumigil ako pero nanggigil ako.

Mapulang dugo ang bungad ng braso ko.

Puro sugat at marka mapanlinlang na kahapon.

Ninakawan ako ng kasiyahan na hinahanap ko.

Di ko na alam saan ako mag-uumpisa

O kung may uumpisahan pa ba

Pagod na ako.

Napagod ako lumaban.

Di ko alam kung kanino ako kakapit o lalapit pa.

Nalunod.

Nalunod sa ideyang kahit kailan ‘di ako magiging sapat.

Nalunod sa ideyang hindi ako magiging masaya at kuntento.

Nalunod sa ideyang, ako lang ang meron ako at wala ng iba ang aakay sa sugatan na gaya ko

Nalunod sa ideyang hanggang dito lang ako.

Hanggang dito lang ang pinangarap ko

Mali bang humingi ng kasiyahan?

Mali bang mamalimos kahit kaunti ng pagmamahal na hinahanap ko?

Nilunod ng emosyon

Kinain ng ilusyon

Pero may nag-iisang umabot ng kamay ko.

Hinawakan ng mahigpit para iangat ako.

Pamilyar sa pakiramdam

Tila may pasabing “Halika na, uuwi na tayo”

At pinaalalang, “Ikaw lang mahal, sapat na”

“Hayaan mo sila, sagot Kita”

“Ikaw, ikaw ang pinakamaganda sa Aking mga mata”

“Hindi mo sila kagaya dahil nag-iisa ka”

“Nilikha Kita na wangis Ko, Akin ka”

“Una kang naging Akin, paulit-ulit na aangkinin”

“Ako at ang pagmamahal Ko ang pupuno sa pagkukulang mo at hihigitan pa”

“Ako ang magbibigay ng kasiyahan mo, kasiyahang ‘di kayang ibigay ng mundo”

“Ako ang magiging apoy sayo sa pagkakataong manlalamig ang pag-ibig mo”

“Ako ang magpapaalang wala na kahit na sino at ano ang makakapaghiwalay ng pag-ibig Ko para sayo”

“Ako na tutuparin ang bawat pangako sayo”

“Ako ang magiging lakas mo sa panghihina mo”

“Ako ang magiging liwanag mo sa madilim na nilalakaran mo”

“Ako ang magiging pag-ibig sayo”

“Ako ang makikinig sa bawat kuwento at suhestyon mo”

“Ako ang magiging tahanan at pamilya mo”

“Ako na ipagsisigawang tapos na ang laban mo”

“Ako na mananatili sayo at pangako, di Ko iiwan ang gaya mo”

“Ako ang iyong simula”

“Ako ang iyong hangganan”

“Ako ang bubuo sa puso mo”

“Ako ang magpupunas ng luha mo”

“Ako ang magiging sandigan mo”

“Ako ang gagamot sa lahat ng sugat na natamasa mo”

“Ako ang magiging katahimikan mo”

“Ako ang magiging kapayapaan sayo”

“Ako ang magbabalik ng lahat sayo”

“Magalit ka man, iinintindihin Kita”

“Magtampo ka man, susuyuin Kita”

“Madapa ka man, sasaluhin Kita”

“Matakot ka man, sasamahan Kita”

“Maligaw ka man, hahanapin Kita”

“Magkamali ka man, itatama Kita”

“Maging marumi ka man, lilinisin Kita”

“Malugmok ka man, itatayo Kita”

“Magkasala ka man, patatawarin Kita dahil anak sobrang mahal kita na kahit ano gagawin Ko bumalik ka lang”

“Mahal kita kahit na paulit-ulit mo Kong ipagtabuyan”

“Mahal kita kahit masugatan pa”

“Mahal kita at ipaglalaban Kita”

“Mahal kita at ‘di Kita susukuan”

“Mahal kita at Akin ka”

“Mahal kita at hindi pagsasawaang ipagsigawang Mahal kita”

“Ako at sa pag-ibig ko, magiging malaya ka”

“Ako, ako ang piliin mo at makikita mo ang hinahanap mo”

“Ako ang buhay na walang haggan”

“Ibabalik Ko ang pangarap mo, higit pa sa plano mo”

“Aayusin Ko ang lahat sayo”

“Ibabalik Ko ang ninakaw sayo”

“At sa bawat hakbang mo, gabay Ako”

“Hawak Ko ang lahat pati ang buhay mo”

“Magtiwala ka ulit”

“Maniwala ka ulit”

“Pero sa pagkakataong ‘to, isuko mo na lahat ng ‘yon sa kapangyarihan Ko.”

“Itaya mo sa pagkatao Ko, di ka mabibigo”

“Bitawan mo at iwan sa pag-ibig Ko”

“Bitawan mo at magbibigay Ako ng higit pa sa inaakala mo.”

“Higit pa sa ibibigay ng mundo”

“Dahil anak, Ako ang magiging lahat sayo.”

 

 

At sa pagkakataong ‘yon, nagbago na nga ang lahat sa akin.

Sa pag-aakalang sa mundo matatagpuan ang lahat

Ikaw lang pala ang tanging hinahanap

Wala na kahit sino ang makakapuno ng isang pagkukulang

Pagkukulang na tanging kay Hesus lang matatamasa.

 

Isang panibagong simula

Panibagong pangarap

Panibagong buhay

Panibagong musika

Panibagong himig

Panibagong puso gaya Mo

Panibagong pag-ibig gaya ng Iyo

Sayo magiging sapat lahat ng meron ako

Dahil Sayo, kumpleto na at wala ng hahanapin pang iba ang buhay ko.

 

Ikaw? Kailan ka tataya para sa pag-ibig na ipinaglaban ka?