Sana ang susunod kong mamahalin ay iyong taong laging nandiyan para sa akin. Iyong hindi ako iiwan kahit na na ang hirap hirap nang kumapit. Yung hindi bibitaw kahit ano man ang mangyari. Masaya man o malungkot (maliwanag man o madilim), nandiyan pa rin sa aking tabi.

 

Sana ang susunod kong mahalin ay maiintindihan ako. ‘Yung tipong hindi agad magagalit dahil may nagawa akong mali o hindi maganda. ‘Yung aalamin muna ang istorya tsaka ako papayuhan. At hindi ako itotolerate kapag mali ako. ‘Yung hindi matatakot na magsabi sa akin ng mga pagkakamali ko at tutulungan akong maging mas maayos, hindi para sa kanya o sa iba kung hindi para sa sarili ko.

 

Sana ang susunod kong mamahalin ay pupunasan ang luha ko kapag umiiyak ako. Yayakapin ako at hahayaang ilabas ko lahat ng hinanakit ko kahit paulit-ulit lang naman ang mga ito. ‘Yung hindi mamaliitin ang nararamdaman ko o hindi magagalit kapag ang baba ng tingin ko sa sarili ko kasi naiintindihan niya… Naiintindihan niya na kahit na ako ang pinakamaganda sa kanyang mata, may mga bagay sa sarili ko na hindi ko gusto at na pakiramdam ko ay may kulang sa akin dahil hindi naman ibig sabihin na nandiyan siya sa tabi ko ay magiging okay na agad ako.

 

Sana ang susunod kong mamahalin ay hindi magsasawa sa pag-iyak at pagbaba ko sa aking sarili. ‘Yung tanggap ba kung ano at sino talaga ako. Sana alam niya na balang araw, magiging kuntento rin ako sa sarili ko. Na matatapos din ang pagtingin kong hindi ako sapat. Na maaayos ko rin ang sarili ko.

 

Pinakahuli, sana ang susunod na mahalin ko ay ang sarili ko muna bago ang ibang tao. Sana ay mabuo ko muna ang sarili kong wasak dahil sa maraming bagay bago ako magmahal ng iba dahil ano bang maibibigay ko sa kanya kung wala nga akong maibigay sa sarili ko? Paano ako magmamahal ng iba kung kinamumuhian ko ang sarili ko? Ayoko na ulit magmahal ng iba habang wasak pa ako kasi lalo lang akong nawawasak. Lalo akong nauubos. Ayokong dumating sa punto na wala na akong maibibigay dahil alam kong kapag nagmahal ako, hulog na hulog ako. Lahat ay ibinibigay ko. Subalit, hindi ko naman hawak ang puso ko. Sana lang. Sana lang talaga na bago ako magmahal ng iba ay mahal ko na ang sarili ko.