Current Article:

Ang hinog sa pilit, ang kalalabasan ay laging pangit

Ang hinog sa pilit, ang kalalabasan ay laging pangit
Categories Waiting

Ang hinog sa pilit, ang kalalabasan ay laging pangit

I. Pagkilala

 

Noong una kitang makilala, isa ka lang sa mga karaniwan kong kaibigan.

Ni hindi nga kita gaanong nakakausap.

 

Ngunit mapaglaro ang tadhana, binigyan ako ng pagkakataon na mas makilala ka. Ang madalang na pagku-kumustahan ay nauwi sa araw-araw na pag-uusap.

Ang dating magkaibigan… nagka-ibigan.

Hindi ko alam kung anong nagustuhan mo sa akin. Hindi ko rin alam kung paanong nagsimula. Hindi natin direktang sinabi na gusto natin ang isa’t-isa, ngunit kahit na ganoon, alam nating ang tinitibok ng ating mga puso ay iisa.

Mas nakilala kita.

Nalaman ko ang buhay mo, ang mga plano’t pangarap mo sa buhay. Kung anong klaseng awit ang iyong hilig. Kung anong mga pelikula ang sa iyo’y nagpapakilig. Walang ibang gustong marinig ang aking tenga kundi ang iyong tinig. Nangangarap na balang araw, sa tamang panahon, mahahagkan ka ng aking mga bisig.

Ngunit alam kong hindi dapat natin madaliin. Dahil sabi nga ng iyong ina, “ang hinog sa pilit, ang kalalabasan ay laging pangit.”

Handa naman akong maghintay.

At kapag dumating na ang araw na iyon, hahawakan ko nang mahigpit ang iyong mga kamay.