Ang Huli
Categories Poetry

Ang Huli

Paano nga ba natin masasabi na ito na ang huli?
Kapag ba nakita na natin ang tuldok sa bawat pangungusap
O kapag wala ng sumunod na salita sa bawat pag-uusap
Ito na nga ba ang huli kapag wala ka ng nakikitang ibang daan
O kapag narating mo na ang hangganan

Ito na nga ba ang huli kapag gusto mo ng wakasan
Ang istoryang wala ng patutunguhan
Ito na nga ba ang huli kapag naramdaman mo na ang pagod at hirap
Na para bang hindi mo na kayang magsumikap

Ito na nga yata ang huli
Ang huling mga letrang aking isusulat
Mga mensaheng sayo’y ipararating
Ng pusong gusto lamang ay ikaw ang makapiling

Nais kong malaman mo
Na parte ka na ng buhay ko
Ikaw ang nagsilbing sandalan ko
Sa mga oras na kailangan ko

Salamat sa pagpaparamdam na mahalaga rin ako sayo
Ngunit pasensya na kung hindi ko napigilan ang nararamdaman ko
Nahulog pa rin ako
Kahit na alam kong walang sasalo

Huwag kang mag alala, tatapusin ko na
Dahil ayaw ko na ring umasa pa
Ang lahat ng ito ay di na tama
Mas mabuting wakasan na para di na lumala

Narating ko na ang dulo
Kung saan ito na ang hangganan
at wala na kong makitang ibang daan
Natagpuan ko na rin ang tuldok na nagpapahiwatig na ng katapusan

Wala na ring salita
ang dumudugtong pa sa bawat talata
Ito na nga yata ang huli
Ang huling beses na mangangako ako sa sarili ko
Na tama na, awat na dahil wala na
Ito na ang huling tulo ng mga luha saking mga mata
At hinding hindi na uulit pa

Ito na ang huli na ipadarama ko na mahalaga ka
Dahil gusto ko na kalimutan aking nadarama
Ito na ang huli, kung saan palalayain na
Ang sarili ko, sa sitwasyon nating magulo

Ito na ang huling beses na bibigkasin ko
ang salitang “mahal kita”
Dahil sobrang dama ko na
Na nakakapagod pala ang mahalin ka