“Ang mata mo’y mga tala”
Categories Poetry

“Ang mata mo’y mga tala”

 

Natagpuan kita sa panahong hindi inaasahan
ni hindi ko nga maisip paano at kailan
natagpuan kita sa kadiliman, nakatingin sa mga langit
habang nag-aabang ng mga talang babagsak.
Naaaninag ko sa iyong mga mata ang mga haraya at balak.

Ibinalik ko ang tingin sa paborito kong tala
Umupo ako sa tabi mo, tumitig kasama mo
nag-abang ng mga babagsak na tala
na hudyat ng pagpikit mo.
Naghihintay ako, kasama mo.

Nagsasalita ka habang hindi tumitingin
minsan nga nagtataka na ako, ako ba ay hangin?
nadarama ko ang iyong pagkasabik
sa kanyang pagbabalik.
Naghihintay tayo, naghihintay ako.

Nangalay na ang leeg, napagod na ang mga mata
tumitig ako sayo, ang tagal naman mahulog ng tala.
Nagtanong ka, ano ba ang hihilingin mo?
hindi ko inalis ang tingin ko sa mata mong nakatingin sa langit
sinagot kita, ang mahulog ang tala.

Naghihintay ako, naghihintay pa rin ako.