Anong kapayapaan ang aking nararamdaman, ngayong dumating na ang tamang panahon.
Ang tamang panahon na tanging may akda ay ating Panginoon.
Ako’y namamangha kung paano Nya pinagtagpi-tagpi ang bawat tagpo,
upang humantong sa napakagandang kwento.
O kay sarap damahin ang bawat pangyayari sa ating dalawa.
Bawat kilos at pananalita ay tiyak at malaya.
Hindi kailangang magtago at magpanggap,
sapagkat ligal ang ating bawat ganap.
Labis ang ngiti sa aking mga labi, sa mga kwentuhan nating puno ng saysay,
at sa mga tawanang walang humpay.
Mga kilos na di ko kailangang magmaganda,
sapagkat sa iyong paningin ako’y tunay ngang kaaya-aya.
Ang pinakapaborito kong bahagi sa atin
ay yung kasama kitang manalangin.
Kasabay kitang pag-usapan ang kabutihan ng Diyos at Kanyang salita,
mga pangako Nyang tunay, tiyak at dakila.
Ang puso ko ay puno ng pasasalamat sa Kanya,
dahil sa Kanyang mga kamay na nagtama
ng isang istorya na Sya lamang ang maparangalan,
isang kwentong sa Kanya ang kaluguran.
O kaysarap damahin ang kapayapaang taglay ng pagdating ng tamang panahon.
Isang regalo ng ating Panginoon
Nagsimula na ngayon,
hanggang sa mahaba pang panahon.