Hindi sinabing ikaw ito, pero kung nababasa mo ito baka ikaw nga.
Ang buhay naman ay choices and chances. May mga bagay na ‘di natin pinili pero nasa ating buhay. Pero malaking bahagi pa rin ng ating buhay ay pwede natin piliin. Kaya, ang pagiging weak ay choice at hindi chance. Huwag mong piliing maging weak.
Sampung dahilan kung bakit hindi ka dapat sumuko sa laban…
1. Hindi ka nag-iisa.
Huwag mo namang angkinin ang bigat ng mundo! Alalahanin mo naman kami na tulad mo ay dumaraan din sa mga ganitong kabigatan. Tulad mo, marami ring mga bumabagabag sa aming isipan – mga katanungang parang walang kasagutan o walang mayroong paki-alam na bigyan ng kaliwanagan. Nakakagaan ng loob na hindi tayo nag-iisa. Maraming umaagapay at hindi sumusuko sa atin. Mga nangangakong magmamahal, o parating nariyan. Sa katunayan nga, marami na ring nagtagumpay. Kung kaya nila, kaya rin natin.
2. Pagod ka lang. Matulog ka na.
Huwag mo nang isipin ang mga bagay na wala ka namang control. “Ano kayang iisipin nila? Ano na lang ang sasabihin ng tao? Narito pa rin ako, nakakahiya naman…” Alisin mo sa agenda mo ang mag-isip ng mga bagay na ‘yan. Hayaan na natin ang mga bagay na wala naman tayong magagawa tulad ng iisipin ng iba, sasabihin ng iba, or mga unexpected na pangyayaring bigla na lang kakatok sa iyong buhay. Pwede namang tulugan ‘yan kung pagod ka na. Ilagay mo na ang “Do not Disturb” sa iyong pintuan. Idaan mo na lang sa pagpapahinga. At least, nakumpleto mo ang 8-hours of sleep na hinahanap naman ng iba.
3. Ang kinabukasan ay hindi tulad ng kahapon
Ang bukas ay hindi pa dumarating, ang kahapon ay kailanman ‘di na maibabalik. May mga pangyayaring wari’y tulad ng isang kahapong nais mong limutin, pero ang iyong reaksyon ang siyang magpapabago ng kinabukasan. Ang bukas ay nasa iyong mga kamay. Huwag mo’ng itong isusuko sa mga sakit at pait ng kahapon. Sa kanila na ang kahapon sa’yo naman ang bukas.
4. Ang ulan ay para sa lahat, gayon din ang bagyo o kalamidad kapag dumating.
Hindi namimilli ang ulan o ang bagyo kung saan bubuhos. Bubuhos ‘yan pero matatapos din. Aralin mo na rin ang panahon kung kailan madilim ang langit or mapula kapag gabi, magbaon ng payong, tsinelas, at kapote. Kung naranasan mo nang maiwan at mabasa sa ulan sa isang gabing hindi mo inaasahang mahaba pala ang pila sa sakayan at wala palang masisilungan, mayroon ka naman sigurong natutunan. Ang bagyo ay lilipas. Huwag ka sanang kumupas.
5. Lilipas din ang gabi at darating ang umaga.
Habang mas dumidilim ang gabi, habang lumalalim ang langit, mas malapit naman ang panibagong bukas.
6. Sayang naman ang 1 life mo. Pusuan mo naman.
Huwag mong itapon ang isang bagay na pinahiram lang sa’yo. Be a good steward or manager.
7. May naghihintay sa’yo bukas.
Hindi ko sinasabing si ano ito, pero baka parang ganun na nga.
8. Hindi tayo pare-pareho ng pagsubok, gayun din ng tagumpay. Mayroong para sa’yo.
Inggit ang numero unong contributor para ikaw ay mag-alala. Na-iinggit ka sa tagumpay ng iba – sa bagong trabaho, sa bagong bahay, sa bagong gf, sa bagong asawa, sa malaking sweldo, sa travel goals ng iba! Isipin mo na lang ang mga bagay na mayroon ka na wala sila. Makisaya na lang muna sa tagumpay na nakakamit ng iba para kapag tayo naman may makikisaya rin. Pana-panahon lang iyan. Patuloy lang ang laban. Makakarating din tayo sa ganyang estado ng buhay kung ‘di tayo susuko.
9. Hindi pa huli ang lahat.
Huwag mong tuldokan and kuwit lang dapat. Baka ma-wrong grammar ka niyan. Habang may buhay, laging may bukas. Habang may bukas, laging may pagkakataon. Habang may pagkakataon, laging may pag-asa. Habang may pag-asa, laging may patuloy na biyaya. Habang may patuloy na biyaya, laging may buhay. Ang buhay ay biyaya. Tulad nang una kong sinabi, ang bukas ay nasa ating mga kamay.
10. Gumawa ka ng maraming dahilan para lumaban. Diyan ka naman magaling – Magdahilan!
“Kung gusto may paraan. Kung ayaw ay palaging maraming dahilan.” Marami akong dahilan kaya ayaw kong sumuko! Fight!