Kasabay ng paghawi mo sa buhok ko at paghalik mo sa noo ko, ay kasabay ding paunti unting dinudurog ang puso ko. Nadudurog dahil sa alam nitong panandalian lamang at nakaw ang mga sandaling ito. Nadudurog pagka’t di ko alam kung hanggang kelan at saan natin kakayaning lampasan ito. Habang tinititigan mo ang aking mga mata, unti unting tumutulo ang aking mga luha sa labis na galak na ito’y nangyari pa. Dahil buong akala’y imposible na, na makita pa ulit ang iyong mapupungay na mata, na sa t’wing nakatitig sa’kin ay tila ipinahihiwatig na, na sana ikaw ang kasama. Na sana ikaw ang nagpapatawa. Ikaw ang umaalalay at nagbibigay ng buhay. Ikaw sana, ‘di ba?
At nang ipikit mo ang iyong mga mata, alam kong tanggap mo na. Na hindi ako. Hindi ako ang nasisilayan sa pagsikat ng araw sa umaga. Hindi ako ang pumapawi sa mga luha t’wing sasabihin mong ayaw mo na. Hindi ako ang bumubuhay at nagbibigay sigla sa buong maghapon t’wing pagod ka na. Pagod na sa malupit na tadhana. Malupit dahil itinali ka nito ng maaga. Itinali sa pangakong may panghabang buhay na, subalit hindi pa pala. At huli na nang malaman na, ako’y naghihintay pa.