White flag

By: marblx

 

Nakakapagod maging tayo.
Sa larong ito ikaw nalang lagi yung panalo.
Ikaw nalang lagi yung iniintindi, paano naman ako?
Lagi nalang nandito para isantabi mo?

Sa bawat kilos ‘ko, lagi nalang yung hindi maganda yung nakikita mo.
Pero sa bawat kilos mo, sinusubukan ‘kong makita yung mabuting katangian mo.
Napaka unfair mo, kung lagi nalang yung sarili mo ang sinasalba mo.
Sana naiisip mo din kung paano naman ako?

Nakakapagod maging talo.
Nakakapagod umiyak sa bawat oras na nararamdaman ‘kong hindi ako mahalaga para sa’yo.
Nakakapagod umiyak sa katotohanan na hindi ka natatakot na mawala ako.
Sana sa oras na bumitaw ako, manumbalik pa yung dating ako.

Mahal kita, lagi mong tatandaang mahal kita.
Masakit sakin ‘to, pero kailangan ko rin makita yung aking halaga.
Sa pagkakataong ito, mukhang kailangan ko nang isalba ang sarili ‘ko.
Bago pa ako tuluyang ubusin ng relasyong ito.

Pasensya kana kung ganito ako, kung ganito lang ako.
Kung hindi ko kayang maging kung sinong gusto mo.
Pasensya kana kung di mo maramdamang mahal kita.
Pero baka hanggang dun nalang yung aking makakaya.

Salamat sa bawat panahong naging masaya tayo.
Pero kailangan ko nang tapusin to.
Salamat sa mga alaala na pinagsamahan natin.
Pero mukhang hanggang dito nalang yung kaya ‘kong gawin.

Sana sa susunod mong mamahalin,
Sana makita mo sa kanya yung mga bagay na wala sakin.
At sana ibigay mo sa kanya yung mga bagay na hindi mo nagawang iparamdam.
Dahil hindi nya deserve makaramdam ng kulang.

Napapagod na ‘kong maging tayo.
Kasi alam kong talo na ako.