Kung pag-ibig ang pag-uusapan

Parang napakarami na naging kasulatan

Mapa-libro man o post sa social media

Usapang puso’y patok sa takilya.

May mga pagkakataong mapapaisip at matutula

Dahil sa mga katagang makikita’t mababasa

Na parang bang tumatatak at hindi maalis isipan

At tatagos sa kasalukuyang nararamdaman.

Sa bawat salita ay may kuwento

Sa bawat linya ay may patotoo

Na ang pag-ibig ay may happily ever after

Ngunit mayroon ding hindi meant to be together.

Maging masaya kayo kung natagpuan niyo na

Ang hinahanap ng puso sa isa’t isa

Sa dami ba naman ng tao at problema sa mundo

Hindi ito naging hadlang para magkita kayo.

Sa mga nagmahal, nasaktan at iniwan

Iyan naman ay ibang usapan

May pagmamahal na ‘di nasusuklian

May iba namang patuloy na nagbubulagbulagan.

Sadyang mahirap tanggapin ang katotohanan

Na may mga bagay na hanggang doon na lang

Alam mong binigay mo naman lahat

Pero sa kanya’y hindi ito naging sapat.

Hindi lahat ng gusto ay makukuha mo

Lalo na kung ni minsan ay hindi naging sa’yo

Hindi rin sa lahat ng kuwento’y ikaw ang bida

Minsan sa mata ng iba ikaw ang masama.

Mahirap pero kailangan mong tumayo

Sa gitna ng iyong pagpaparaya at sakripisyo

Pero hindi rito nagtatapos ang kuwento

Kung magpapatuloy ka para sa magandang pagbabago.

Huwag magmadali dahil hindi ito contest

Kung sino na ang nakarami o ang fastest

Dahil hindi dahilan ang walang karelasyon

Para maging baluktot ang iyong mga desisyon.

Nariyan ang Diyos at ang iyong pamilya

Pati mga tunay na kaibigan sa lungkot at saya

Kaya ipagpatuloy mo ang iyong kuwento

At maniwalang maraming makabuluhang mangyayari sa’yo.

Panahon na upang mahalin muli ang iyong sarili

Patuloy kang magdasal at lumaban dahil hindi pa huli

Marami kang dahilan upang maging masaya

Kaya ngumiti at magsimula ng bagong kabanata.