“Binibini”
Categories Relationships

“Binibini”

Kamusta ka? Nakakalimutan mo na ba? Ako ito, ang iyung Ginoo. Ang ginoo na nagmamahal at mamahalin kahit ano pang mali sa’yo. Binibini, hindi isang maling pagkakataon na tayo ay nagkakilala, naniniwala ako na eto ay plano ng Diyos upang ang landas natin ay magkatagpo. Hindi isang disgrasya na sa dami ng mga dilag sa isang pagtitipon ng mga anak ng Panginoon ikaw ay nakita. Yun ang unang sandali na nasilayan ang iyong ngiti at biglang napatanong “Sya na ba ang iyong ibibigay sa akin Panginoon?” na aking paglilikuran hanggang sa umabot ng pitongpung taon?

Lumipas nga ang ilang buwan at tayo nag uusap na gamit ang modernong teknolohiya ng pagpapadala ng mensahe. Ang saya ng dalawang linggo, dahil sa loob ng dalawang linggo mas nakilala naten ang isa’t isa, hindi alintana kung anong oras na at kung meron bang ginagawa. Sa mga panahon na’to halos abot kamay na kita, na yung dating pinagdadasal ko lang ngayon meron ng pag asa. Ngunit pagkalipas din ng dalawang linggo, ang lahat ay nagbago, hindi mo nagustuhan ang sobrang pag aalaga ko, kasalanan ko kasi hindi pa nga pala tayo magkasintahan kaya dapat wala munang pag aalaga na para sa magtipan. Matapos nga non, heto tayo balik sa una, hindi ulit magkakilala. Nalulungkot at napapaisip ano nga bang mali sa aking pag aalaga? Marahil nga sobra, yun nga siguro ang mali. Yung dating abot kamay ngayon di ko na matanaw.

Hindi ito isang paalam Binibini, dahil ikaw parin ang mahal ko at wala akong plano na magbago ang nararamdaman sa iyo. Handa akong masaktan upang sa gayon ay makita ko ang kailangan pang baguhin para sa ikagaganda ng ating darating na pagsasama. Pwede namang mahalin lang kita kahit kaibigan mo lang ako.

Tandaan mo, hindi kita binalikan ng tingin upang sa huli ay tatalikod lang rin. Lubos ang aking pagmamahal kaya sana dumating rin ang araw na parehas na ang nararamdaman natin.

Nagmamahal,
Ang iyong Ginoo