Disclaimer: The views and opinions expressed in this article are those of the authors and do not necessarily reflect the official position of Boiling Waters PH.
Friendship versus Relationship. Dalawang relasyon na sana laging masaya, sana hindi nasisira, sana hindi kailangang pumili, sana walang binibitawan, sana walang nasasaktan.
Higit walong taon nang magkaiban si Hazel at Paula. Nagkakilala sila sa isang kumpanya kung saan naging magkatrabaho sila. Baguhan si Paula sa ganung klase ng trabaho, kaya si Hazel ang parang tutor niya. Samantala, si Hazel naman ay mahigit sampung taon nang karelasyon si Justine. Bagama’t sinubok na sila ng napakaraming pagsubok, nakayanan nila ang lahat kaya naman tumagal sila ng ganoon. Kaibigan na rin ni Paula si Justine, halos lahat ng nangyayari sa kanilang mga buhay ay alam na ng isa’t isa, sa totoo lang para na silang magkakapatid, isang pamilya.
Sa hindi inaasang pagkakataon, nagkaroon ng problema si Hazel at Justine. Sa sobrang busy ni Jenny sa kanyang pag aaral sa pag aabogasya, naging marupok si Hazel sa isang babaeng mapusok at masyadong liberated. Nag open si Hazel kay Paula, sinabi niya ang mga nararamdaman niya at ang mga sitwasyon. Aminado si Hazel, natutukso siya pero sigurado siyang si Justine pa rin ang mahal na mahal niya. Aminado rin si Paula na mali ang nararamdaman ni Hazel pero hinayaan niya ito, nagkaroon siya ng sariling konklusyon sa sitwasyon ng kanyang mga kaibigan kaya kahit alam niyang mali, sinuportahan niya ang nararamdaman ni Hazel sa ibang babae.
Sabi nga nila, walang sikretong hindi nabubunyag. Nabasa ni Justine ang mga chat ni Hazel at Paula. Nalaman niya ang lahat, sobrang galit niya na pati ang kanyang kalusugan ay naapektuhan. Nag usap si Hazel at Paula, sinabi ni Hazel na nalaman na ni Justine. Sabi ni Paula, “alam mong mali ang ginawa mo at ang pagkunsinti ko sayo, tanggapin natin na magagalit talaga si Justine sa atin. Kausapin mo si Justine, humingi ka ng tawad at patunayan mo sa kanya na ang isang pagkakamali ay hindi dapat maging dahilan upang isuko ang lahat. Tutal, wala namang DTR na nangyari, nagkagusto ka pero hindi naging kayo”.
Tuliro si Hazel, nag aalala, natatakot, nagsisisi. Habang itong si Paula naman ay di nag atubiling humingi ng tawad kay Justine sa pagkunsinti niya kay Hazel. Nagbigay din siya ng kaunting payo na bigyan ng konting panahon ang isa’t isa upang ilabas ang mga sama ng loob at pag usapan ang mga bagay bagay. Higit sa lahat, lubos na paghingi ng tawad. “Deserve ko na magalit ka saken”, aniya.
Dala na rin siguro ng galit ni Justine, maraming masasakit na salita ang nasabi niya kay Paula. Nadamay na ang mga taong walang kaugnayan sa nangyari, ang mga anak ni Paula, ang boyfriend niya at ang kanyang pamilya. Nainsulto si Paula, hindi niya inaakala na aabot sa ganon ang lahat, matinding sumbatan at mga salitang si Paula ang sumira sa relasyong Hazel at Justine.
Pinilit manahimik ni Paula dahil alam niyang may pagkakamali siya, pero paran siyang binuhusan ng malamig na tubig nung nagsimula ng magsalita si Justine ng masama tungkol sa mga mahahalagang tao sa buhay ni Paula, at tuluyan silang nagkasira.
Si Hazel ang naipit sa sitwasyon, sa kanyang pagkakamali maraming nadamay, naging malaking gulo. Lubos siyang nagsisisi pero hindi siya susuko, kahit gaano kahirap. Desidido siyang ayusin ang relasyon nila ni Justine at pagsisihan ang kanyang pagkakamali. Hindi man ito maitama ay patunayan muli kay Justine na nagkamali siya at hindi siya susuko para muli siyang matanggap ni Justine. Ngunit sa kabila nito, tila kailangang pumili ni Hazel; si Justine ba na kanyang karelasyon o si Paula na kanyang kaibigan. Naging malalim na ang galit ni Justine at Paula sa isa’t isa na para bang tuluyan na nilang tinuldukan ang kanilang pinagsamahan.
Tumawag si Hazel kay Paula, pareho silang umiiyak. Sabi ni Paula, kung kailangang pumili ni Hazel ay piliin niya kung saan siya tunay na magiging masaya, yung mararamdaman niya ang value niya at mapapanatili niya ang pagmamahal. Sabi ni Paula, kung kailangang pumili sa kanila ni Justine, huwag siya ang piliin. Si Justine ang dapat niyang piliin at handa siyang lumayo at magsakripisyo basta siguraduhin at ipangako ni Hazel na magiging masaya siya sa piling ni Justine. Dagdag pa niya, anuman ang mangyari, pag dumating ang oras na iwan na si Hazel ng mga tao sa mundo, nariyan lang si Paula para sa kanya, laging maghihintay, magdarasal, para sa kabutihan ng kanyang kaibigan. Umaasa siya na lilipas din ang lahat ng pinagdadaanan at magiging masaya ulit si Hazel at Justine.
Masakit para kay Paula ang mga sinabi niya, lalo na at meron siyang general anxiety disorder. Si Hazel at Justine ang nandon simula ng madiagnose si Paula at ngayon, kailangan nilang magkalayo at hindi mag usap bilang daan sa kabutihan at ikasasaya ni Hazel, hindi na siya kakausapin o kokontakin ni Paula. Bago matapos ang kanilang pag uusap, sabi ni Hazel, “basta pag may gusto ka sabihin saken, tingin ka lang sa langit, dun tayo magbubulungan, dun tayo magchichismisan, malalaman ko pag ok ka, pag masaya ka, pero ang mas importante mas maging matatag ka lalo na sa kondisyon mo”. Wala ng masabi si Paula, iyak na lamang siya ng iyak, hindi niya maipaliwanag at maintindihan na aabot sa ganitong sitwasyon ang kanilang pagkakaibigan at ang relasyon nila Justine at Hazel; na kailangang pumili at may lumayo.
Marahil alam nilang tatlo na ang bawat isa ay may pagkukulang at pagkakamali. Ngunit dala ng kanilang emosyon, tila isang bombang sumabog at nasira ang ibang bahagi. Minsan ayaw nang tumingin ni Paula sa langit kahit na gusto niyang makausap si Hazel, nauunang tumulo ang luha niya bago pa man siya makapagsalita. Hanggang ngayon, di pa rin naiintindihan ni Paula na bakit kailangang siya ang lubos na magsakripisyo, bagamat may pagkakamali siya ay hindi naman siya ang babaeng itinuturing na “undefined third party”.
Marami tayong desisyon sa buhay na ginagawa na natin bago pa man natin pag isipan kaya humahantong sa masalimuot na sitwasyon. Maaaring kaya hinayaan ni Paula si Hazel na maging marupok sa iba ay dahil sa kanyang personal na konklusyon tungkol sa relasyon ni Justine at Hazel. Alam ni Paula na meron din siyang kasalanan ngunit naniniwala siya na hindi niya dapat saluhin lahat ng galit ni Justine at pagbintangan siya na si Paula ang tanging dahilan para masira ang relasyon nila ni Hazel. Unfair ito, sabi ni Paula.
Gayunpaman, marahil ay darating ang araw na pagsisisihan nila ang mga masasakit na ginawa at salita na binitawan nila sa bawat isa. Si Paula, Justine at Hazel – para na silang magkakapatid, alam nila ang lahat ng kwento ng buhay ng isa’t isa. Sila sila ang ang nagtutulungan kapag kinakailangan. Ngunit ngayon, Wala na.
Umaasa si Paula at sana ay ganon din si Hazel at Justine na paglipas ng ilang buwan o taon at di man maibalik ang dating samahan ay kahit paano magkapatawaran silang lahat at unti unting bumuo ng bagong masasayang alaala na dadalhin nila hanggang sa kanilang pagtanda. Sa ngayon, tanging dasal na lang ang pinanghahawakan nila upang gabayan sila sa kanilang dapat gawin at nararamdaman. Naniniwala si Paula at punong puno siya ng pag asa na anumang sakit ang nararamdaman niya ngayon dahil kailangan niyang lumayo para sa ikasasaya ni Hazel, darating ang isang araw na muli silang magkikita, maluluha na lang at magyayakapan. “Sorry sa lahat, sobrang namiss kita, namiss ko kayo, namiss ko yung ganito tayong tatlo”, kasama sa dasal ni Paula na masambit niya ang mga katagang ito. Sa ngayon, tanging hiling ni Paula ay tuluyang maging maayos si Hazel at Justine at kahit paano, masakit man ay nakatulong na lumayo muna siya sa kanila upang mas mabigyan nila ng panahon at sapat na oras upang mag usap ang dalawang taong mahalaga na sa kanyang buhay.
ikaw, naranasan mo na bang pumili? Friendship Versus Relationship?
While you are busy reading this article, try mo rin makinig sa episode namin: