Higit pa Sayo
By: handydiary

Sayo, maraming salamat sa iyo
Salamat sa pagsasama nating akala ko walang hanggan
Salamat sa masasayang ala-alang ating pinagsamahan
Salamat sa mga tawanan at kulitan na tayo lang ang may alam
Salamat sa mga takot at iyakan sa tuwing tayo’y magbabangayan
Pero maraming salamat sa iyo, dahil pinalaya mo ako

Masayang balikan ang ating kwento
Hindi mo aakalaing ganun tayo
Mula sa pagkudkod mo ng libag sa likod ko
Hanggang sa pag-singhot ko ng amoy ng jebs mo
Hanggang sa holding hands natin kapag natutulog tayo
Komportable tayo at tunay ngang masayang masaya tayo

Masakit balikan ang katupasan ng ating kwento
Parang bagyo na bigla nalang nabuo
Sa lakas ng hangin tinangay ka palayo
Parang giyera, hindi mo inaasahang mangyayari ito
Sa lakas ng mga pagsabog nadurog pati puso ko
Sa sobrang sakit nito, hindi ko na alam kung humihinga pa ako

Lumipas ang ilang linggo, patuloy ang panlalamig mo
Sa Antartica ka na yata tinangay ng bagyo
Ang sabi mo, pahinga lang tayo
Pero parang sa outer space ka pa yata dumayo
Hindi na tayo nag-usap, wala yatang signal diyan sa Pluto
At sa pagbalik mo’y may kasama ka ng alien sa piling mo

Alien? Oo, ang sama ko don, patawarin mo ako
Patawarin mo ako dahil anong magagawa ko?
Sinaktan mo ko ng buong buo
Mali, pinulbos mo yung durog kong puso
Wala nang maganda sa paningin ko
Gusto ko nalang magpakalbo

Pero bakit nga ba simula at dulo lang aking ikinuwento?
Gayong sa gitna nito ang ating tunay na saya at kalbaryo.
Simple lang ang isasagot ko
Dahil yung gitna ang pinakagusto ko
At ito nalang ang tanging meron ako
Ang tanging mga ala-ala na alam kong pag-aari ko

Ngunit tapos na tayo don
Tapos na tayo sa sumbatan at bangayan
Tapos na rin ang kwento ng ating pagmamahalan
Dahil wala akong ibang choice kundi tanggapin
Tanggapin na hanggang doon nalang tayo
Dahil mabilis palang mabuo ang baby don sa Pluto

Pero masaya na ako ngayon dahil muli akong nakabangon
Mula sa pagkakasadlak ko, tinulungan Niya ako
Unti-unti binubuo Niya ako, pati ang puso kong pinulbos mo
Higit pa ron, ipinaintindi Niya sakin kung bakit tayo nagtapos
Matagal na pala akong nakagapos sa akala ko’y iyong haplos
Masakit pa rin sa akin ang lahat, pero pangako Niya’y matatapos din ito

Ngunit salamat sa paghingi mo ng kapatawaran, ako ay pinalaya mo
At sa pagwawakas ng ating kwento, naging magkaibigan tayo
Pero nasaan ang higit pa sayo sa akdang ito?
Sa hinaba haba ay wala pa rin yung higit pa sayo
Dahil wala pa talaga, wala pa yung hihigit kaysa sa iyo
Sapagkat ang nilaan ng Panginoon sa akin ay lubos na higit sayo

Yung taong higit pa sayo, hinuhulma pa ng Panginoon
Hinuhulma para sa mga trip kong hindi ko rin mapagtanto
Yung taong higit pa sayo, siguradong hindi kalbo
Yung taong higit pa sayo, siguradong mas matangkad pa sayo
Yung taong higit pa sayo, siguradong mas madaming korning joke na baon
At yung taong higit pa sayo, siguradong mas magaling maglaro … ng DOTA

Yung taong higit pa sayo, marunong tumupad ng pangako
At kailanman hindi matututong magsabi ng hindi totoo
Yung taong higit pa sayo, hindi ako sa inuman hihilahin
Bagkus ay sa simbahan ako dadalhin
Yung taong higit pa sayo, hindi alam salitang sawa at pagod
Sapagkat alam niya ang tunay na kahulugan ng pag-ibig

Yung taong higit pa sayo, hindi ipapatikim ang pait ng pag-ibig
Bagkus ay ipapaintindi sa akin kung bakit minsan mapait ang pag-ibig
Yung taong higit pa sayo, hindi lang marunong makinig sa mga reklamo ko
Kung hindi aaralin kung paanong pakakalmahin ako
Yung taong higit pa sayo, kasing pasensyoso mo rin, mas higit nga lang sayo
At yung taong higit sayo, malambing din ang boses, mas higit nga lang sayo

Hindi ko sinasabing wala kang ginawang mabuti sa buhay ko
Marami naman, ikaw nga yung sobrang nagpasaya sa mundo ko
Marami akong natutunan nang dahil sayo, bukod sa technique sa paglalaro
Tinuruan mo akong maging masaya sa maliliit na bagay na meron ako
Pero walang hihigit sayo kung paano ka rumespeto sa kapwa mo
Kaya marami ang kaibigan mo, balitaan mo ako pag tumakbo kang konsehal sa bayan nyo!

Wala namang taong perpekto, maging higit ka man sa kanila ngayon
May pagkakataon pa rin na hihigit sila sayo
Pero masaya akong naging parte ka ng buhay ko
Muli, salamat sa pagwasak ng mundo ko
Dahil kung hindi dahil rito, hindi ko makilala ang tunay na MAS higit pa sayo
Dahil sa masalimuot na pagtatapos ng ating kwento, nadama ko ang pag-ibig Niya

Tatapusin ko na ito, at simulan na natin ang pagkakaibigang ito
Dahil ang nagpapatawad ay laging panalo
Pero sisiguraduhin kong yung taong higit pa sayo, matangkad at hindi kalbo!
At kung wala mang taong higit pa sayo
Mas higit akong magiging masaya sa piling ng Panginoon
Dahil Siya pa lang, ay lubos lubos nang HIGIT PA SAYO!