Panginoon, heto na naman ako
Humihiling ng pabor sa Iyo
Lahat naman dahil sa grasya Mo
Kaya sa Iyo ako nagsusumamo.
Panginoon, heto na naman ako,
May isang taong pinapanalangin ko.
Hindi pa rin ako sigurado
Kung siya nga ang inihanda Mo.
Panginoon, heto na naman ako
Marami na akong hiniling sa’yo.
Dati, isang mabait na binatilyo
Pero hindi iyon ang plano Mo.
Maraming beses na akong umiyak,
Sa bawat pagkakataong puso ko’y nabiyak
Nang mabalitaan ko ang aking panalangin
Meron ng ibang hiniling at kapiling.
Panginoon, naulit ito.
Akala ko siya na ang Iyong gusto
Pero di pa rin nagkatotoo
Ang mga pinapangarap ko.
Puso ko nais na magpahinga
Sa kakahanap at kakaasa
Napagtanto na hindi nga ito
Ang tanging layunin ng buhay ko.
Pero may isa na namang dumating
Siya ba’y aking hihilingin?
Pwede ko kaya siyang angkinin,
Ang puso ko ba’y handa na rin?
Panginoon, heto na naman ako,
May isang taong pinapanalangin ko.
Hindi pa rin ako sigurado
Kung siya nga ang inihanda Mo.
Pero Panginoon, parang ramdam ko
Na hindi ako sa kanya sakto
Parang di nya naman ako gusto
Hihilingin ko pa rin ba sya sa’yo?
Takot nga ako na malaman niya
Na ako sa kanya’y humahanga.
Baka lang lumayo na siya
At maiwan akong nag-iisa.
Baka naman siya ay mailang
Pag nakita niyang siya ang laman
Ng mga tula at balagtasan
Na aking nilikha’t iningatan.
Pero, Panginoon, patuloy lalapit sa’yo
Hindi naman ito ang pinaka rason ng buhay ko
Dalangin ko lang na mas lumalim ako
Sa paghahanap ng kaligayahan ko sa’yo.
Tulungan Mo po akong manalangin
Kahit na kasing labo lang ito ng hangin
Dahil mas nakikilala lang Kita
Habang ito’y aking ginagawa.