Hindi Ako Gagaya
Categories Waiting

Hindi Ako Gagaya

Kung magmamahal man ako, sisiguraduhin kong tama.

 

Hindi ako gagaya dahil lang nakita kong masaya kapag may pinapayungan ka tuwing mainit o umuulan. Dahil lang pinapahiram ng jacket tuwing nilalamig. Kung may kasabay kang umuuwi, at kung may kausap ka tuwing hating gabi. Ang babaw, hindi ako gagaya.

 

Hindi ako gagaya dahil lang ginagawa nila kahit alam kong hindi pa dapat. Kung naakit lang ako sa magandang larawan niya o dahil sa pormang pwedeng ipagyabang sa tropa, kung dahil sa tanyag na pangalan at kasikatan, huwag na lang. Hindi ako gagaya.

 

Ayos lang ito. Sabi kasi nila, kawawa ka kapag wala kang mapakilala. Sabi ng mundo, pwede namang magmadali. Sayang. Pero sabi ko, kung magmamahal ako, doon na ako sa sigurado.

 

Mas pipiliin ko yung kahit natagalan, pinanalangin naman. Doon na ako sa kahit hindi minadali, Diyos na mismo ang pumili. Atleast, hindi ako magkakamali.

 

Kaya hindi ako gagaya dahil malakas lang ang bugso ng damdamin. Doon ako sa hindi ko pipilitin. Sa istoryang hindi rin ako ang pupuriin.