“Kumusta?”
Iyan na naman ang bungad na tanong ng aking kaibigan, isang tanong na hindi ko pa rin ang alam kung paano sasagutin. Paano ba naman kasi ito sasagutin ang isang tanong na marami ang pwedeng isagot, kahit siguro sino na makikita sa test paper nila ng isang tanong na may isang daang choices mapapailing. Multiple choice with one answer only.
Depende naman kasi sa taong nagtanong, at kung iyon ang pagbabasehan ay siguro mag-aala politiko na lamang ako at magbibigay ng isang maiksing “ayos” at ngiting parang nabibiling G-shock na relo sa bangketa, peyk. Ginawa ko na ito sa kanya dati noong tinanong niya kung bagay ba daw ang suot niyang fitted na tshirt na pinagmukha siyang krayola, maliit at brown ang kulay.
Depende rin ang magiging sagot sa sitwasyon at inaasahang sagot ng nagtanong. Parang sa mga RPG games kung saan kapag mali ang napili mong dialouge ay wala ng ibibigay na quest ang NPC at maiiwan ka kakaisip kung may naiskip ka bang level kaya’t ‘di ka na makatuloy sa paglalaro. Sa sitwasyong ito alam kong may kailangan siya sa akin, di ko alam kung mangungutang o siya o magpapatulong sa gawain niya sa school na sa tagal ko ng ‘di pumapasok ay hindi ko na rin alam kung paano ko nasasagutan. Kung sasagot ako ng negatibo at sabihin kong nalagasan ako ng tatlong piraso ng buhok at iyon ay aking pinagluluksa ay baka hindi na siya makahiram ng ipangloload niya o kaya pumalya pa siya sa isang subject. Pero wala akong pera at piga na din ang iilang cells na lumalaban sa aking utak. Gawin ko kayang limang piraso ng buhok para makuha ang kanyang simpatya.
Depende din ito sa kung handa ko bang ihayag ang totoo sa kanya o pipiliin kong magdagdag sa negative balance kong ligtas points at magsinungaling. Minsan kasi ay pipiliin mong magsinungaling sa mga ganitong tanong para may maiwasan. Gaya lamang noong tinanong ako ng kasama ko magcutting classes kung ayos lamang daw ba ako. Hindi ko alam noon kung napansin niyaang nagulantang kong pagkatao nang tiningnan ko ang aking sapatos sapagkat hindi lamang ito basta nakanganga, o Heath Ledger na Joker na malawak ang maaring inganga, isa na itong zombie na pumatak ang buong bunganga. Natanggal ang swelas, iyong pandikit ata na ginamit ay iyong taglilima lamang, gayong noong araw ko lamang naman ito isinuot. Nagkaroon ako isang mabilis na playback sa’king isip, ang iba’t ibang uri ng tawa na maari ihagalpak ng kasama ko kung sasabihin ko ang totoo. Pinauna ko siyang umalis, sabi ko may iniintay ako. Umuwi akong nakapaa, hindi magandang ala-ala.
Depende rin ang magiging sagot ko sa kung anong aspekto ng aking pagkatao niya ito tinatanong. Maaring pisikal ito at kapansin-pansin ang paglobo ng aking eyebags na akala mo ay mag-eevolve at magiging isang ganap na bukol. Maari ding tinatanong niya kung kumusta ako emotionally gayong napansin kong nag-react siya sa shared post ko kanina kung saan nakasulat, “Grabeng lungkot, need ng bi-baby.” Hindi ko rin alam kung malungkot ako noong shinare ko iyon pero ang alam ko may pinaparinggan lamang ako para ako na mas bata pa sa akin para magpababy. Madalas din ang shared post ko ng tila pangungulila, “I miss you postings”, gayong ang dahilan lang naman ay hindi ako nirereplyan ng aking kausap. Maaring ang gusto niya ring malaman ay ang mental kong estado, kung nakukuha ko pa bang ipaliwanag kung ano pinagkaiba ng love bombing at panliligaw. O kaya kung hindi pa ba ako nagkakaroon ng imaginary friends na minsa’y nagtatanong kung anong pakiramdam ng may tinatadtad na daliri. May isang balita din na talaga namang nakatusta ng iilan ko ng gumaganang brain cells, bakit nga ba tinawag ng politikong iyon na madrama iyong nagtanong lang naman kung saan niya gagamitin ang milyong pondo na hindi naman siya ang nagpakahirap. Pwede rin namang kaya niya naitanong ang kumusta ay para malaman kung anong lagay ng aking espiritwal na pamumuhay. Napansin niya siguro na sumali ako sa isang facebook group ng mga atheist. Magaganda memes nila doon, iyong tipong kapag shinare mo, makakatanggap ka ng sandamakmak na angry reacts at comments ng mga matatandang na kung app developer ka lang ay ginawan mo ng sariling Facebook at papangalan mo ito ng Facebook 40+.
Madalas naman ay nakadepende ang sagot sa tanong na ito kung kagagaling mo lang sa isang pangyayaring ikinagalit, ikinainis, ikinasaya, ikinatakot o ikinalungkot mo. Kapag kasi dito ko ibinase ang aking sagot ay maaring ang isagot ko sa kanya ay naiinis ako at nagagalit ng kalahati. Paano naman kasi ay ako ay nauto ng letseng lugaw na iyon. Pinakatira-tira ko pa naman iyong malaking hiwa na akala ko ay manok para sa huling subo. ‘Grand exit of the meal’ iyon ang aking balak, ngunit nang naisubo ko ng mapagpanggap na hiwang iyon ay sinaksak ang dila ko ng katotohanan. Luya, isang kasusumpa-sumpang lasa. Hindi pa naman ako edad singkwenta pataas para sabihing, “Ay gusto ko ang lasa ng luya.”
Depende. Iyon ang sagot, tila nagkaroon ako ng eureka moment sa aking isip sapagkat natagpuan ko na ang naakmang kasagutan sa aking katanungan. Dapat ko bang ipaliwanag kung ano ang eureka moment? Siguro, hindi ito isang pop culture reference na magegets ng kahit sino, historical reference ito na ginagamit lamang sa mga pag-uusap ng mga nagpapanggap na mahilig sa history at mga lasing. Ang eureka ay lulan sa salitang Griyego na εὕρηκα na nangangahulugang “I have found it.” Ngayon alam niyo na kung bakit iyon ang aking ginamit.
“Depende.” Iyan ang sagot ko sa kaniya, nakangiti ako sapagkat nagdidiwang ang aking isip sa aking natuklasang kasagutan, sana ay hindi siya nainip sapagkat natagalan ako kaiisip sa aking tugon.
“Pangit mo namang kausap.”
Aray ha, sayang naman ang aking eureka moment.