Lahat may hangganan. Lahat may dulo. Lahat ‘yan pinaniwalaan ko. Hindi ako takot sa katapusan, dahil alam kong mayroon niyan, bago ko pa simulan. At sa buhay, lahat may huling byahe, may kasabay man o wala.
Walang nakaaapekto sa akin, dahil wala akong ibang inisip kung hindi sarili ko. Hindi ako sumusugal sa larong alam kong hindi ako lamang. Hindi ko nagagawang maging masaya, pero, hindi rin naman ako malungkot. Isa ako sa mga taong nang-iiwan na lang sa ere. Higit sa lahat, isa ako sa mga kinamumuhian ng mga taong nagbibigay ng lahat, nagmamahal.
Oo, may taong hindi naniniwala sa pagmamahal, sa pagbibigay ng buo, AKO.
Ngunit heto ka. Niyanig mo ang mundo ko at ang aking buong pagkatao. Pinilit kong balewalain. Pinigilan ko. Pero, wala akong nagawa. Nangyari sa akin ang mga akala kong kathang-isip lang ng mga taong nagpadala sa emosyon. Hindi ako naniniwala sa masayang katapusan. Ngunit, simula nang dumating ka, nagbago ang lahat.
Nagkaroon ako ng kahinaan. Nakararamdam din ako ng kakaibang saya. Umiibig ako. At higit sa lahat, natatakot ako. Hindi ko akalaing masasabi ko ‘to, pero totoo, natatakot akong isiping maaari kang mawala sa buhay ko.
Dahil sa’yo, gusto kong burahin lahat ng mga paniniwalang matagal kong pinanghawakan. Pikit-mata akong tumaya. At araw-araw kong hinihiling na sana totoo nga ang pagmamahal na walang hanggan.
Na sana samahan mo ‘ko hanggang dulo. Dahil Sinta, ikaw ang huling byahe ko.