Kumusta ka na? Miss na kita.

Miss ko nang makita yung mga mata mo habang nakatingin sa mga mata ko.

Miss ko na yung mga ngiti mo na nagpapakita kung gano kaganda ang araw mo.

Miss ko na yung boses mo na sintunado habang kinakanta yung mga paborito mo.

Miss ko na din yung malapad mong noo, oo malapad mong noo,

Oopss, wag ka munang maiinis,

Malapad mong noo na nagpapakita kung gaano kapalad ang mamahalin mo,

Sapagkat, datapwat, subalit?

Isa kang matalinong tao na hindi magpapaloko kaninuman,

At higit sa lahat hindi manloloko ng sinuman.

Miss ko na din kung gano ka kalakas tumawa sa loob ng sinehan,

Yung tipong bawat ulo tayo ang nililingon.

Miss ko na yung gabi gabi nating mukbang session bago umuwi,

Susubok ng mga bago at kakaibang pagkain,

Sabay nanamnamin at huhusgahan ang bawat lasa,

Kung magustuhan, sabay ding uulitin at babalikan.

Miss ko na kung pano mo sakyan yung mga weirdong trip ko,

Yung magkakatinginan sabay magtatawanan.

Miss ko na ang paglalakad ng matagal kasama ka,

Natatandaan mo pa ba? Nung minsang bumuhos ang ulan at wala tayong masakyan,

Yun na ata ang isa sa mga araw na hindi ko malilimutan.

Miss ko na kung paano mo ko alalahanin,

Yung simpleng text mo kung nakauwi na ba ako at ingat ka.

Miss ko na yung palagiang pagtag mo sakin sa mga trending na memes at videos,

Kahit na sa tuwing nagrereply ako wala nakong sagot na nakukuha pabalik.

Miss ko na yung pakiramdam na miss mo din ako,

Yung mga text mo na miss you,

hindi mo lang alam pero ilang beses binuo nito yung araw ko.

Miss ko na yung mga away bata natin,

Yung mga simpleng tampuhan tapos buong araw hindi magkikibuan.

Miss ko na hulihin isa isa yung mga kiliti mo,

tapos hahawakan mo yung kamay ko para pigilin ito.

Miss ko na ding maligaw kasama ka,

Yung matatapos ang araw na sakin mo nilalagay lahat ng sisi kung bat tayo naligaw.

Miss ko na makarating sa ibat ibang lugar kasama ang paborito kong tao.

Kung nababasa mo to..gusto kong malaman mo na miss na miss na kita.

oo..maaari iniisip mo na paano at bakit?

Lagi naman tayong nagkikita at magkasama?

Wala naman dapat pagkakataon para mamiss ka.

Miss na kita, kase nagbago ka.

Nawala na yung saya sa mga mata mo.

Wala narin yung pananabik kapag ako ang kasama.

Ramdam ko hindi mo na ko kailangan.

Hindi mo na kailangan sabihin, wala kang dapat gawin.

Kase unang una sa lahat ako dapat ang gumising.

Alam ko naman, ayaw ko lang bigyan ng pansin.

Natatakot ako kase alam ko ang kasunod nito ay paalam.

Hindi ko pa ata kaya,

Sirain yung mundo kong binuo na ikaw ang kasama.

Hindi ko alam kung anong nangyari,

Kung ano ba yung nasa isip mo?

Kung bakit nawala yung mga nakasanayan ko?

Kung ano ba talaga ako sayo?

Kung bakit ka nag-iba?

Mga tanong na alam kong hindi na mabibigyan ng kasagutan.

Sa lahat ng to, sa loob ko matindi ang panghihinayang.

Pero naisip ko marahil siguro ako ang nagbago..
kasi ang dapat na kaibigan lang,

Unti unti kong naibigan.