Paano kung sandaling tumigil ang orasan,
Paano kung sandaling makatagpo ka ng iyong masisilungan,
Paano kung sandaling malimutan mo ang ating pinagsamahan?
Iiwan mo na rin ba ako kagaya ng ginawa nila?
Hindi madali ang mahalin ka.
Hindi madaling mahalin ka sa malayo.
Hindi madaling manahimik kahit ang sinisigaw ng puso ay ang pangalan mo.
Hindi madaling pagmasdan ka palayo sa mga bisig ko.
Hindi madaling magpigil
Dahil ‘pag mas lalong pinipigil, ay mas lalong nanggigigil.
Kahit pa alam ko sa sarili ko na kaya kong ibigay sa’yo ang mga pangangailangan mo,
Kahit pa alam ko sa sarili ko na kaya kong pawiin ang mitatagan na sakit na dulot ng iyong kahapon,
Ang pinakamahirap kumbinsihin dito ay ang kamay ng orasan na humahawak sa lahat ng ating desisyon.
Paano nga ba kung sandaling huminto ang orasan na nagsisilbing batayan ng ating hinihintay na pagmamahalan?
At sa sandaling huminto ang orasan na ating batayan,
Paano kung may handang mag-ayos nito ngunit alam natin pareho na hindi ikaw at ako ang may gustong mag-ayos.
Kundi ikaw at ang umiirog sa’yo.
Paano nga ba kung sandaling makatagpo ka ng iyong masisilungan?
Mababalikan mo pa ba ang minsan mong tinawag na iyong tahanan?
Nanaisin mo pa kayang lisanin ang lugar kung saan ka sumaya nang pansamantala?
Paano nga ba kung sandaling malimutan mo ang ating pinagsamahan?
Maaalala mo pa kaya ang mga mata kong ‘to na minsan mong tinitigan at tinawag na mas maganda pa sa mga tala sa uniberso?
Maaalala mo pa kaya kung paano mo ayaw bitawan ang kamay ko?
Mahirap pa.
Kumplikado pa.
Hindi pa tumatama ang kamay ng orasan,
Hindi pa ito ang oras para sa’ting dalawa.
Hindi ka pa handa,
At meron pang siya.
Ako’y naghahanda na,
Ngunit hanggang kailan ako maghihintay na ikaw ay aking matawag ng “mahal”?