Paano mo nga naman sasabihin ang tunay na nararamdaman mo kung hindi sapat ang mga ito para maintindihan ka ng tao? Na sa gitna ng isang masayang araw ay tatamaan ka ng lungkot. Na hindi mo alam kung saan galing o ano nga ba ang dahilan, at binabalot ka nanaman ng dilim. Bumabalik ka nanaman sa loob ng isang kahon na ikaw lamang ang laman. Na hindi ka mag isa pero pinipili mong maging mag isa. Kasi nakakapagod na. Nakakapagod ng isipin kung bakit nga ba ako andito. Bakit nga ba ako nagkakaganito. Saan nga ba galing ang mga madidilim na gabi na minsa’y nawawala pero hindi umaalis. Dahil lagi lang silang nandyan. Huwag. Huwag mong sabihing sapat na ang dasal upang mawala ang kadiliman. Dahil hindi mo pwedeng sabihin kung ano lamang ang nalalaman mo. Maniwala ka dahil naniniwala ako sayo. Pero may mas malalim don. May mas malalim na lungkot at pagtataka. At sakit. At huwag. Huwag mo ring sasabihing hindi mahirap mawala na mapunta sa kawalan. Dahil sobrang hirap. Hindi ko rin naman kailangang maintindihan ako ng lahat ng tao. Ang kailangan ko ay maniwala kayo na totoong may madidilim na gabi. Na may mas madidilim na gabi kaysa sa mga gabing nararanasan ko. Yung pag tanggap na hindi tayo pare pareho. Hindi ko alam. Pero gusto kong malaman ng mga tao na hindi kahihiyang balutin ka ng dilim. Ng isang malalim na butas. Hind ka maka ahon. Dahil mas nakikita mo ang repleksyon ng buhay at totoong halaga ng buhay. Maraming taong nagmamahal sayo. Oo alam ko yun. Maraming nagmamalasakit at handa kang tanggapin. Pero ang nagiging sandalan ay ang mga bote at nakakabinging katahimikan. Marahil dahil mas payapa ang pag tulog sa gabi. Hindi maingay dahil hindi mo na nararamdaman. Hindi mo na maiisip na madilim dahil pipikit ka nalang. Tapos umaga na ulit. Humihiling na sana maging mapayapa ang araw at balutin ng mga kulay at bahag hari. Na babalutin ng ngiti ang mga labi at magtutuloy tuloy hanggang gabi. Ngayon mas naiitindihan ko na. Na maraming rason ang bawat nilalang kung bakit ganito at ganyan Ang mga pinili nilang karera. Hindi dahil hindi nila kaya. Pero may mas malaking laban sa sarili na patuloy na gustong malampasan. Hindi madali. Pero dahan dahan. Huwag kayong mag alala. Hindi ako bibitaw. Dito lang ako. Hindi ako mawawala. Patuloy na lalaban. Hayaan niyo lang ako dahil kakayanin ko ito. Dahan dahan.
Current Article:
KAWALAN
Categories
Depression