Ilang araw na lang at matatapos na ang taon. Nakaparami nating pinagdaanan, samu’t saring mga hamon di lang sa personal nating mga buhay kundi na rin sa buhay ng mga taong nakapaligid satin, mga mahahalagang tao na malayo satin at sa mga taong hindi natin kakilala. Hindi naman sa hindi tayo nakukuntento sa kung ano ang meron tayo pero bakit sobrang daming hamon sa buhay ngayong taon? Ako lang ba ang nag iisip o nakakaramdam ng ganito?
Maliban sa pagiging apektado ng pandemya, at ang pamilyang naiwan sa Pilipinas na naapektuhan ng mga sakuna; may buhay na nawala, may pusong sinaktan, may taong umalis, sinira ang tiwala at tuluyang naging mag-isa. Naguguluhan lang ako, bakit ang hirap maging masaya? Naiintindihan ko naman ang lahat ng mga pagsubok na dumarating sa buhay ay pawang mga instrumento upang mas maging matatag ako, o tayo sa mga darating pa. Ngunit tila ang taon na ito ay punong puno na, nakakaubos na.
Lahat tayo gusto natin ng masayang buhay, gigising sa umaga ng may ngiti sa mga labi at inspiradong kumikilos sa maghapon sa kanya kanya nating mga dahilan. Pero hindi ganon ang realidad. Madalas kong nararamdaman na gumising sa umaga na para akong nakipaglaban sa aking pagtulog. Pagod na pagod ako. Bago ko pa man ipikit ang aking mga mata sa gabi, Ang mga dapat resolbahin ay hindi na nawawaglit. Hanggang sa panaginip, hinahabol habol pa rin. Sa kabila ng inipon kong lakas ng loob sa buong buhay kong ito, halos paubos na, tulad natitirang araw ng taong ito.
Kaya pa? Madalas na tanong
natin sa iba. Ngunit minsan ba ay naitanong na rin natin sa ating sarili kung
kaya pa? kaya pa ba? kakayanin pa ba?
Napakanegatibo ko dahil
ngayon pa lang alam ko ng hindi magiging masaya ang aking Pasko. Ang pagpanaw
ng aking mahal sa buhay noong Oktubre ay nakatatak pa sa aking puso at isipan. Hindi
ko man lamang siya naihatid sa kanyang huling hantungan. Sa aking muling
pagbalik, siya ay nakasilid na sa loob ng magarang kahon at sementong hindi
kayang basagin gaano man kadami ang luhang bumuhos sa aking mga mata. Hindi ko
pa rin tanggap na wala ka na.
Kagabi lamang isang napakasakit na balita naman ang aking natanggap. Para bang pinipiga na ang puso ko sa sobrang sakit, walang tigil ang pagpatak ng aking luha na tila isang batang inagawan ng manika. Bakit ngayon pa, bakit kung kelan malayo ako, balkit kung kelan hindi ako makauwi, bakit kailangang ikaw pa? Ang mga ngiti at halakhak mo habang tayo ay magkausap, hindi iyon kayang bayaran ng salapi. Samantalang ako, umiiyak habang kinakanta ang mga awiting nais mong marinig sa akin; mga awitin na madalas nating pinagsasaluhan. Sabi mo pa, “ang lahat ng bagay sa mundo ay pilit na lilipas ngunit ang musika ay hindi kukupas”. Kaya kahit anong dami ng luha ko, lahat ng gusto mong kanta ay inawit ko, kahit hindi ko na kayang sabihin ang liriko dahil sa hindi mapigilang pagluha, bakas ang saya mo na naririnig mo kong kumanta at ang mga ngiti mong matagal ko nang hindi nakita.
Ayoko ng salitang paalam, ayoko ng salitang paano ako kapag wala ka na, pakiusap wag ngayon. Kaya pa? ito ang tanong ko ngayon sa aking sarili. Puso at isip ko ay tunay na pagal na. Tanging dasal na lang at konti pang panahon ang pinanghahawakan ko sa ngayon. Dasal na sana mahintay mo ako, na sana hindi rin ako sumuko sa dami ng mga pasanin ko sa buhay. Maliban diyan, natatanong ko na rin ang sarili ko na bakit ako ang kailangan makaranas ng ganito, hindi pa ba sapat ang lahat ng sugat at pait ng nakaraan upang muli akong bigyan ng ganitong pagsubok.
Sa kabila ng lahat ng ito, sa kabila ng lahat ng pinagdadaanan ng bawat tao sa mundo, may mga mabubuting pusong nagpaparamdam na hindi ako nag iisa. Sana hindi rin sila mapagod making, sana hindi sila magsawang makita akong lumuluha. Salamat sa inyo, kung wala kayo, baka wala na rin ako. Dahil sa inyo, ang tanong na kaya pa ay pipilitin kong sagutin na KAKAYANIN PA.
Pa, kayanin natin. Di ko kaya pag bigla mo kong iiwan.