Hanggang kailan ba tayo magbubulag-bulagan?
Hanggang kailan magpapanggap na mandirigma at hindi nasasaktan?

Siguro minsan, hindi na ‘yung taong problema natin ‘yung may problema kundi tayo na mismo. Sarili na natin, na tipong alam na natin ‘yung sagot pero pinipilit pa natin ‘yung gusto natin. Na kaya tayo nasasaktan dahil pinipilit pa rin natin ‘yung mga bagay na may sagot na. Sagot na ayaw nating marinig o malaman pa. ‘Yun ‘yung realidad na “wala na”, “tapos na” at “may iba na”. Pero paano nga ba pigilin lahat ng nararamdaman natin? Eh nagmahal lang naman tayo. Paulit ulit. May makikilala, mamahalin, masasaktan, iiwan tayo. Different people, same situation. Palaging ganun, walang bago unless natuto ka. Sana nga natuto, eh kung hindi? Same cycle pa rin ba? Same cycle pa rin kaya?

Hindi ko alam kung mahina lang ang comprehension skills ng iba pero ganun talaga siguro. Bulag tayo sa lahat ng nangyayari sa paligid natin dahil ang gusto lang nating makita ay ‘yung mga bagay, sitwasyon at pangyayari  na gusto lang natin. Bingi tayo sa mga naririnig natin na kahit hindi na tama at taliwas na sa tadhana, ginagawa pa rin natin lahat, mangyari lang ang gusto natin. Tanga tayo kapag nagmahal. Sobrang tanga na kahit sarili natin, nawala na.

Mandirigma tayong lahat ng pag-ibig. Alipin tayo ng sarili nating emosyon.
Nakakatawa noh? Madalas nakikisiksik tayo sa mga taong may nagma-may ari na.
Ginagawang priority ‘yung mga taong option lang ang tingin satin.
Binibigyang atensyon ‘yung mga taong walang ibang ginawa kundi deadmahin tayo.
Ginugusto at hinahabol pa rin ‘yung mga taong iniwan na tayo.
Pinagt-tyagaan ‘yung mga taong alam natin kahit kailan hindi na magbabago.
Tinitiis lahat kahit wala tayong mapapala.
Minamahal ‘yung mga taong iba ang mahal at binibigyan ng unli chance kahit paulit ulit na tayong sinasaktan.

Kasalanan na rin siguro natin. Masyado tayong nabulag. Umasa kasi tayo na may mababago. Pero hindi. Walang nangyari. Gawin mo man lahat, kung ayaw niya sa’yo, ayaw niya na sa’yo. At sasabihin ko sa’yo paulit ulit…. hinding hindi ka magiging sapat sa taong iba ang hinahanap. Na kahit kailan, hinding hindi siya mapapasa’yo kung iba ang gusto nito. Na hindi mo siya mapapasaya dahil may iba na siya. May iba ng nagpapasaya at humahawak ng kamay niya.

Kaya bitawan mo na, tigilan mo na. Kung hindi ka sapat sa kanya, sa ibang tao sobra sobra ka pa.Hindi mo lang siguro makita ngayon dahil ang tanging nakikita mo lang ay siya.