Kung Papalarin
Categories Poetry

Kung Papalarin

“Hi Miss.. na kita,”

Isa pang banat ay baka mabanatan

ka na,

Madalas na kumukunot ang aking noo

sa iyong mga sinasalita,

Ilang ulit ka na ngang nabara

Tila di nagsasawa,

Sa mga nakaraang araw di ka ba nasusuya,

 

Kasi ako nauumay na.

Nagsasawa na ako sa iyong mga pagbati sa umaga,

Ayoko na ring sa gabi ang iyong mensahe ay makita,

Pagod na akong marinig ang tatlong salita,

 

Nahihirapan na ako sa tuwing ikaw ay nakakasama,

Aaminin ko na,

Nahihirapan na akong itago ang saya,

 

Pagod na akong habulin ang tibok ng damdamin

tuwing binabanggit ang tatlong salita,

Ayoko nang mabasa ang iyong mensahe at

Nagsasawa na akong sa telepono lamang

ang pagbati sa umaga,

Gusto kong ang iyong mga ngiti sa personal

ay makita,

 

Gusto ko  rin sanang sabihin sa’yo

kung gaano rin kitang namiss,

Kahit kanina lang naman tayo naghiwalay

ay hindi kita matiis,

Nais ko sanang makasabay ka sa almusal

at meryenda,

At sabihin kung gaano ako kasaya nang dumating ka,

 

Bawat pagsuyo ay pinapakinggan,

Bawat pagpapahayag ng damdamin

ay nais na suklian,

Bawat awitin mo ay nais na sabayan,

Ngunit mali ang tyempo ng ating mga nararamdaman.

 

Dahil hindi sa lahat ng pagkakataon

ay dapat masunod ang damdamin,

Marami ka pang lalakaran,

Marami pa akong lalakbayin.

Hindi magkatagpo ang landas

na ating tinatahak at tatahakin,

 

Ang bungang hindi pa hinog ay maasim

kung pipilitin.

 

Ang ating agwat ay hindi pa pwede sa ngayon,

Kung pagbibigyan

Baka sa ibang oras,

Baka sa ibang pagkakataon.