Umiibig ako,
Hindi ko iyon maitatago
Alam nya at alam ko
Kung kaya nais ko sya’y laging nasa tabi ko

Kay sarap umibig,
Sya lamang ang aking bukambibig
Walang panahon na malamig,
‘Twing ako’y nasa kanyang bisig

Gusto kong ipagsigawan,
Tindi ng aking nararamdaman
Gusto ko syang ipaglaban,
Ngunit hindi lahat kami’y maiintindihan

Oo nagmamahal ako,
Ayoko ng matapos pa ito
Ngunit reaksyon ng lahat ay negatibo,
Sapagkat nagmamahal ako ng babaeng kagaya ko

Sa mata ng lahat ito’y mali,
Minsan kala mo’y sakit sa nakararami
Tingin pa ng iba kami’y marumi,
Pero sakin isa kaming makulay na bahag-hari

Madalas mga tao sami’y taas kilay,
Ang ibang mata sami’y di lumulubay
Ngunit mas hihigpitan ko ang hawak sa kanyang kamay
Ano mang sabihin ng iba’y, kami mananatiling matibay

Pakiramdam ko minsa’y mahirap,
At pagtanggap ng lahat ang aming pangarap
Iba man ibig namin, kami’y nama’y di mapagpanggap,
Pasasaan ba’t mahahawi din ang ulap

Ganito man kami’y, kami parin ay edukado
Madalas pa nga kami’y mga nilalang na di sumusuko
Ano mang laban, manalo man o matalo,
At sana lang lahat dina kelangan pang magtago

Oh, kay ganda ng aking mahal
Pag-ibig ko’y umiinit habang tumatagal
Batid kong mahal tayo ng Maykapal,
Habang buhay ika’y aking pagdarasal

San man tayo mapadpad,
Kinang mo’y walang katulad
Ano mang pangarap nati’y matutupad,
Basta magkasama tayong lilipad.