Kung Pipiliin Mo, Pipiliin Ka Ba?
Categories Move On

Kung Pipiliin Mo, Pipiliin Ka Ba?

May mga bagay talaga na dapat tinatapos na.

 

Hindi na sana ako nagtataka kung meron ba o wala. Kasi sa tuwing ako ang iyong kaharap, ang iyong mga salita ay tila ba mapagpanggap. Mga salitang animo’y mga talulot ng bulaklak na humahalimuyak sa pamumukadkad. Bawat bigkas ay para bang hampas ng bawat nota sa isang awitin na musika sa aking pandinig. At katulad ng isang popular na awitin ay nalalaos at nawawalan ng sigla.

 

Hindi ko alam kung may pinagkaiba ba ang salitang mahal sa gusto sapagkat sa tuwing binabanggit mo ay tila iisa lamang ang ibig sabihin nito. O ako lamang ang nag-iisip na sana ay iisa ang ibig ng sinasabi mo. Ngunit sa likod ng aking isipan ay alam ko naman kung ano ang gusto mo.

 

Kung sino talaga ang iyong gusto. Pilit mo mang sabihin na hindi siya ang iyong nasa puso ay palagi namang siya ang iyong nasa isip. Pangalan niya ang palagi mong binabanggit. Sa tuwing makakakita ka ng isang bagay o isang alaala na kasama siya ay iba ang kinang ng iyong mga mata. Na hindi ko makita sa tuwing ako ang iyong kasama.

 

Sapagkat naaalala mo lang ako kapag hindi ka masaya. Naaalala mo lang ako kapag hindi siya ang iyong kasama. Naalala mo lang ako sa mga panahong may iba siyang kasama. At wala ka namang ibang bukambibig kundi siya. Naaalala mo lang ako… ni hindi mo nga ako naalala noong may usapan tayo na magkikita. Tulad na lamang noong isang gabi na inantay kita sapagkat sabi mo ay sabay tayong kakain ng hapunan. Ilang oras akong nag-antay subalit alas diyes na ay wala pa ring paantabay kaya napagpasyahan ko na lamang na umuwi. Ngunit sa may kanto ay nakita kita na kasama mo sila, na kasama siya. Di naglaon ay dumating na rin ang mensaheng aking inaasam at kahit na akin nang inasahan, ako pa rin ay bahagyang nasaktan noong sinabi mong tapos ka nang kumain, at nakauwi ka na.

 

Ayan na naman. Palagi na mo na lamang akong iniiwan. Sabagay, wala naman talaga dapat akong hingin, wala ring dapat naisin. Sapagkat mayroon ka mang sinabi ay malabo para sa akin at para lamang sa iyong sarili. Subalit huwag naman mo naman sanang sadyain, tao lang din naman ako na may damdamin. Huwag mo naman akong gawing isa sa iyong mga pagpipilian sa tuwing hindi ka niya kailangan. Huwag mo naman sanang isipin na hindi kita kayang mahindian sapagkat mahirap mang gawin, baka sa susunod ay hindi na kita makakayang antayin.

 

Dahil sa susunod, panahon naman na ang sarili ko ang aking piliin.