LIBRO ( A SPOKEN POETRY PIECE )
Categories Relationships

LIBRO ( A SPOKEN POETRY PIECE )

Libro.

Noong bata pa ako ay hindi talaga ako mahilig magbasa ng libro
Pero kalauna’y nakasanayan ko nang magbasa nito
Libro, na nagbibigay sa atin ng mga aral at kwentong
Nagsisilbing lagusan patungo sa mahiwagang mundo
Libro, na syang nagsisilbing krudo ng ating wisyo
At sumasaklaw sa mga tanong na bakit at paano
Oo libro, na naghahain ng iba’t – ibang kaisipan at konseptong
Nagmumula sa iba’t ibang maimpluwensyang tao
Libro, na punong – puno ng rekado
Na may natatanging sukbit na layunin sa mga tao,

At ito, ay upang tayo, ay matuto.

Pero bakit, kahit tapos ko nang basahin ang Isang kwento,
Ay para bang hindi ako natuto.

Dahil ako, ay muling umibig sa pangalawang yugto.

Hindi ko ginusto, na mapamahal ako sa kwentong nabuo
At tangkiliking basahin at piliting tapusin hanggang dulo
Kwento na kung saan ikaw at ako ang bida
At bawat eksena nating dalawa’y marahan kong binabasa.

Ito ay kwento na kung saan tinuruan mo akong magmahal muli
Tinakpan mo ako ng kumot sa mga panahong ako’y nanlalamig
Nanginginig ako sa masidhing takot at pag uusig
Na masigasig na sinasagawa ng bangungot ng nakaraan.
Niyapos mo ako ng marahan
Hindi ka man lang nandiri na ako ay hagkan
Inabot mo ang aking mga palad sabay bulong sa akin na hindi sya kawalan

Dahil Ika mo na sya, ang nawalan.
Dahil ang nang – Iwan,
Ay wala nang dapat binabalikan.

Lumipas pa ang mga araw ay sabay tayong naglakbay
Kasabay ng Pag akbay sa atin ng init ng araw
Hanggang sa ang buwan ang pumaibabaw at nagbigay sa’tin ng tanglaw
Hindi mo ako iniwan kahit ang byahe nating dalawa ay walang kasiguraduhan

Kahit ito ay tila patungo sa landas ng kawalan.

Tinitigan kita sa iyong mga mata
Hindi lang pala ako ang nag iisa
Dahil ang puso mo rin pala, ay nagdurusa.
Aking nabasa nang di sinasadya, sa iyong mga mata,
Ang lungkot na umuusig sa iyong puso’t ulira.

Mahal ikaw ay parang isang libro
Librong gustong – gusto ko basahin
At alalahanin ang mga kaisipang taglay nito.
Libro na dadalhin ko, kahit saan man ako magtungo
Ngunit hinding – hindi ko ipapahiram kahit kanino.

Ikaw, ay Isang libro
Na pipilitin kong basahin hanggang dulo
Kahit pa ang mga tayutay at ang mismong kwento nito ay magulo
Libro, na punong – puno ng hiwaga

Ikaw ay matalinhaga.

Ikaw ay libro na walang presyo
Hinding hindi kita ipagbibili kahit kanino
Hindi ko na kailangang gumamit pa ng diksyunaryo
Para lamang maintindihan ang yong buong pagkatao

Dahil ang muling umibig sa’yo
Kahit hindi ko ginusto,
Ang syang nag iisang susi para lamang makilala ka ng buo.

Mahal na kita ng buo
Oo, Totoo, ikaw na ang laman ng bawat tagpuan ng nobela
At ang syang nagsisilbing titulo ng bawat kabanata
Hinding hindi ako mahihiyang ipagsigawan sa buong mundo,
Ang pangalan mo,
Dahil Isang karangalan ang makilala ka’t makatagpo.

Isa kang kumposisyong hinding hindi nakakasawang basahin
Uulit – ulitin at patuloy kitang kikilalanin
Dahil ang mga letrang iyong taglay,
At ang mga salitang bumubuo sa banghay ng karakter ng yong buhay ,
Ang syang tunay na nagbibigay sa akin ng kulay.

Wala akong pake sa istorya ng iba
Dahil ikaw lang ang nais kong basahi’t makilala
Simula sa pinaka – una hanggang sa pinaka huling yugto.

Ikaw ay kakaiba
Walang sinumang nilalang ang may kakayahang gumawa ng iyong replika
Isa kang obra maestrang iingat – ingatan
Paniniwalaan titingnan ang iyong bawat detalye’t pangnilalaman.

Hindi na ako takot basahin ang buhay mo,
Dahil minahal ko nang buo ang iyong kwento’t pagkatao
Kwentong ilalathala sa bagong tipan
At sabay tayong bubuo ng panibagong yugto
Na kung saan ikaw at ako lamang ang magiging bida hanggang sa walang hanggan

Mahal, Isa kang libro.
Dahil tinuruan mo ako
Kung paano magmahal ng totoo.

Isa kang libro,
Dahil tinuruan mo ako
Na ang tunay na yaman ng mundo
Ay hinding hindi nabibili ng kahit anumang presyo

Isa kang libro
Dahil tinuruan mo ako,
Na ang tunay na pagmamahal ay kalakip ng lubos na pagkilala sa pagkataong hindi nagtatapos sa sasandaling yugto

Ipaglayo man tayo ng distansya
Ngunit naniniwala ako na tayo, ang itinadhana ni bathala.
Mag aantay ako, sa pagbabalik mo.

Mahal, Isa kang libro

Dahil ikaw lamang ang syang nanaising basahin, hanggang sa lagutan ako ng hininga

Salamat sa Diyos dahil nakilala kita.

Ito ang bagong kabanata nating dalawa

Sabay tayong lilikha ng korido
Na hindi lamang mananatiling Isang kwentong bayan bagkus ito ay magiging Totoo

At ako ang yong magiging bayani sa ating epiko
Handang iligtas ka sa anumang pasakit ni delubyo

Ikaw lang at ako,
Ang magiging bida
Sa bagong yugto

Handa na akong bumuo ng bagong istoryang
Kasama ka.

Mahal kita.

Words: Dennis Oyao
Photo: anonymous member of betsin art paradise