Dear future half,
Nasabi ko na dati na naaninag na kita. Pero mukhang wala pang sinasabi ang tadhana kung kailangan na ba nating magkita at magkasama.
Muli, nasisilayan na kita. Namamangha ako sa tunay mong ganda, gandang naipapahayag mo sa iba kahit sabihin mong hindi mo ito tinataglay. (Pabebe ka kasi minsan eh. Kakaasar ka.)
Ngunit mas nabibighani ako sa kagandahan ng iyong kalooban. Mas pinipili mo ang mga bagay na nararapat lamang at tunay na makakatulong sa iyo na mapabuti ang sarili mo.
Pinanganak kang hindi perpekto, pero nagpupursigi ka na maging matagumpay kahit di mo maiwasang gumawa ng kamalian.
Ibang-iba ka sa karamihan. Hindi ikaw yung tipong madalian, ikaw yung isang babaeng nararapat na paghirapan bago mapahulog ang kalooban.
Sadyang napakahigpit ng prinsipyo mo, na minsa’y nasasakripisyo na ang buhay mo na maging masaya naman minsan dahil dalaga ka pa.
Alam kong may patutunguhan ang mga paghihirap at sakripisyo mo. Darating din ang araw na magkikita rin tayo.
Kahit alam kong kaya kong gumawa ng paraan para makita na kita, pinili kong huwag muna sa ngayon. Sabihin man ng iba na baka maunahan ako tungo sa’yo, ang sa akin ay ayos lang.
Nais kong sila muna ang mauna. Dahil sila ang magtuturo sayo ng mga bagay na kapupulutan mo ng aral.
Matuturuan ka nila kung paano magmahal, ipaparamdam nila sayo ang halaga mo bilang parte ng kanilang buhay. Masasaksihan mo kung pano nila kayang gawin ang lahat mapasaya ka lang at mapatunayan na ang pagmamahal nila sayo.
Ngunit bilang parte ng masakit na katotohanan, sila rin mismo ang unang makakasakit ng damdamin mo. Kung gano ka nila kayang mahalin, ganun rin kung gano ka nila kayang linlangin at paasahin ng paulit-ulit sa akala mong tunay sila ngunit isang ilusyon lang pala.
Alam kong iiyak ka. Magtatanong kung bakit naging ganon ang takbo di tulad sa mga inakala mo. Magmamakaawa ka. Hahabulin mo sila ngunit sa di maipaliwanag na desisyon ng pagkakataon, darating din ang araw na iiwan ka rin nila.
Mahihirapan kang tanggapin ang lahat sa napakahabang panahon gaya ng napakahabang panahon na minahal mo rin sila. Subalit gawin mong isang pagkakataon ang panahon na ito para hanapin muli ang sarili mo sa mga bagay na nawala sayo kung sakaling mawala ka sa landas na dapat mong puntahan. Alam kong makakaya mo yan. Makakabalik ka rin sa kung ano ka bilang isang babaeng lubos kong hinahangaan.
At kapag nakabalik ka na galing sa matinding pagsubok ng buhay gaya ng pag ibig, maaaninag ulit kita… kahit may galos ka nang dinadala at may mababago sayong paniniwala. Ang mahalaga may natutunan ka.
Sa ngayon, naaninag lang kita. Hindi ko pa alam kung anong naging daloy ng buhay mo. Ngunit kahit ano pa man yon, nais kong sabihin sa’yo na… sanay’ ikaw na ang una’t huli kong pag-ibig.
Mas pinipili ko sa ngayon na hayaan kang gawin muna ang nararapat sayo gaya ng pag abot ng mga pangarap mo. Kasi alam ko naman na ang huli mong pangarap… ay makasama ako.
(Ang pogi no?)
Wag nating pilitin ang tadhana na magkita tayo kung alam natin sa sarili natin na hindi pa handa na maging kabiyak ang bawat isa. Tulad mo, mas pinipili ko rin sa ngayon ang tularan ang nararapat na daan.
Sa kabila ng mga napagdadaanang pagkakataon na mapabuti, hindi ko rin maiwasang daanan ang tukso na maaari akong iwaksi at iligaw. Ngunit hanggat kaya kong labanan ang mga ito, sisiguraduhin kong sa pagdating ng araw na magkikita na tayo, taas noo kong ipagmamayabang sa’yo na ako ang karapat-dapat para sa’yo.
Kung magkakakilala na tayo, sana’y magkaibigan muna. Dun natin paiigtingin ang relasyon natin. Kikilalanin ang bawat isa. Mag uumpisa tayong unawain ang mga ayaw at gusto, tatanggapin ang bawat kahinaan at kakayanan.
Lubos na lalaban kapag mayroong pagsubok na darating na sadyang susubok sa ating relasyon.
Kapag sa tingin nating nauunawaan at tanggap na ang bawat isa, kinalauna’y kaya na nating ipakilala ang bawat isa sa iba na tayo’y may ugnayan na. Ngunit hindi doon natatapos ang lahat. Maaari tayong husgahan dahil sa kung ano tayo bilang ‘tayo’. Magsisimula silang gumawa ng hakbang na maaring humantong sa mga katagang ‘hindi pwedeng maging tayo, yun ang sabi nila’. Ngunit dasal ko lang sa Maykapal na balang araw, matatanggap din nila na merong ‘tayo’.
Magdaraan ang bawat araw at mas lalong lalalim ang kung ano tayo. Magkakaroon ng depinisyon ang ating pagsasama. At dun ko masabi na mahal na talaga kita. Dun ko gagawin ang lahat para maipakita sayo na nararapat ako para sa’yo. Bitbit ang mga aral ng kahapon ko, ilang bagyo man ang humadlang, responsibilidad kong patunayan at patuloy na pangalagaan ang pagiging kabiyak mo.
Marahil magdududa ka dahil ang mga ganitong salita ay narinig mo na sa mga inakala mong tunay ngunit sablay. Mas mahabang panahon ang gugugulin ko bago ka magtitiwala. Ngunit ayos lang. Bakit? Sabi ko nga kanina… ikaw yung isang babaeng nararapat na paghirapan bago mapahulog ang kalooban. Para ka kasing course ko sa kolehiyo. Alam kong mahirap ka pero ipaglalaban kita.
Gagawin ko ang lahat para mapatunayan sayo na mas iba ako. Dahil alam kong pinaghirapan ko munang mahalin ang mga nararapat, ang mahalin ang sarili, mahalin ang iba, at higit sa lahat, ang mahalin ang tulad mo.
Huwag kang mag-alala, malapit na ako. At sana’y mahintay mo pa ako.
Pag nagkita na tayo, tandaan mo lang kung anong unang sasabihin ko sa’yo…
“Ang tagal-tagal kitang hinahanap, andito ka na pala.”
Nagmamahal,
Ang future half mo.