Luha sa Kandila
Categories Depression

Luha sa Kandila

Naranasan mo na bang umiyak sa gabi, ilang oras bago pumatak sa alas-dose ang kamay ng orasan hudyat na malapit na ang iyong kaarawan? Marahil oo, marahil hindi. Pero ipinapadalangin ko na sana hindi mo maranasan.

Ibang-iba sa nakasanayang mga kaarawan. Karaniwang masaya, may regalo, handa at mga taong malalapit sa puso ang pupunta dala ang mga matatamis at mapangarap na mga mensahe. Talaga namang nanaisin mong araw-araw sanang kaarawan. Pero minsan lang mangyari, isang beses sa isang taon. Kaya’t kahit na sino, nanaising bongga at masaya.

 

Subalit, ang buhay ay hindi patag. Hindi palaging nasa ibabaw. Ang kaarawan para sa mga pangkaraniwang tao ay ordinaryong araw lamang. Magpapasalamat kung sakaling may bumati at makaalaala. Siguro mahirap rin sa kaibuturan na kahit naisin mong magdiwang, kung hindi mo kayang panindigan ang bawat salaping ipapatak sa mga handa at mga kaluhuan, ay mas lalong kalugmok lugmok sa pakiramdam. Ngunit para sa akin, mas masakit ring hindi muling maranasan ang nakaraan. Nakaraang kaaarawang andyan ang saya, ang handa at higit sa lahat ang mga malalapit na tao sa puso.

 

Kaya’t ngayong madaling araw ng aking kaarawan, hindi ako nagluluksa sa lungkot ng aking kaarawan. Nagluluksa ako sa mga pagbabago ng mga taon. Nagluluksa ako sa mga taong lumayo, lumaya at sumakabilang buhay. Nagluluksa ako sa mga maaaring nagawa ko pa na mas makahulugan bago madagdagan pa ng isang kaarawan. At bago ko hipan ang kandilang binili sa tingi-tinging tindahan, kasabay nito ang mapagpalayang, “sana sa sunod na taon, hindi ko na ito maranasan.”