Magsimula tayo sa una
Categories Poetry

Magsimula tayo sa una

Magsimula tayo sa una,

Yung tipong tamang sabi ng ‘kamusta?’ dahil ‘di pa magkakilala

Mga tanong sa isip kung sino ako at sino ka

Tamang ngitian lang dahil ilang sa isa’t isa

Tamang tanguan pag nagkakasalubungan,

Ang mga matang nagkakahulihan

hanggang magkatitigan, tamang

tanaw lang sa malayo hanggang

mahuli mo ang kiliti ng aking puso

 

Magsimula tayo sa una,

Mga panahong di pa kita gaanong kilala

Pero alam ko nahulog na ang puso sa iyong mga mata

Alam ko na noon palang pag ibig na ang aking nakita

Sinubukang lapitan ka, naglakas loob na sabihin ang nararamdaman, sa iyo

Na kung gano kalakas ang kabog ng dibdib ganun din naman kahina ang buga ng aking bibig

Na sinasabing pakinggan mo ang aking puso

At sinasabi sayong Mahal na nga kita

Ang bilis ng mga pangyayari D ko na namalayan

Lagi ka ng laman ng puso at ng aking kanlungan

 

Sa mga araw na dumadaan, bumubuo na tayo ng sarili nating mundo,

Yung ikaw lang at ako, mundo

Na malaya tayong kumilos at gumalaw,

Malayang mangarap at sumayaw,

Sa tunog ng mga pangako sa isa’t isa

Na ikaw lang at ako wala ng iba,

Ikaw at ako lang ang saba’y na hahakbang

Kahit ano pa ang haharapin sa hangganang walang nakakaalam

Ihahakbang ang ating mga paa sa mundo na ating binuo

 

Mundo na sa puso’t isip ay walang gugulo

Mundo na abot tanaw ang bituin at bulalakaw

Mundo ng abot kamay ang buwan at araw

Mundo na kung saan binuo ang ikaw at ako

Mundo na kung saan maglalaho din na parang abo

Mundo na mawawalan din ng kulay at saya

Mundo na mawawalan ng kabuluhan sa isa’t isa

Mundo na balang araw magugunaw din pala

 

Nagsimula nang manlamig ang ihip ng hanging mainit, sa unang yugto

Nagsimula ng humina ang tunog ng pangakong dala dala sa isip, tila pabugso bugso

Nagsimula ng gumuho ang itinayong mga pangarap na pinilit at ginusto

Nagsimula ng bumagsak ang dating abot ang mga ulap, ngayon tila Bilanggo,

Nang kaisipang ikaw lang dapat at ako

Sayo lang dapat at sakin umikot ang ating mga mundo

 

Bilanggo, ng ating ideyang hinawakan

Para tayong naligaw sa sarili nating kalawakan

Sinarili natin ang buwan at araw

Sarili nating butuin na tayo din ang umagaw

Sa tadhana,

Tadhanang tinignan lang tayong saktan ang isa’t isa

Tadhanang hinayaan lang tayong dalawa,

Sa Ideyang ating kinasanayan na

Ganoon talaga siguro ang tadhana

Parang laging nilalaro ang mga tala

na kailan ma’y hindi satin nagningning,

Kahit piliting ikaw at ako, hindi parin

Inilaban sa lahat pero umuwing sugatan

Pinilit ilaban kahit umuwing luhaan

Inilaban sa lahat ang pag ibig na pilit dinala

Inilaban ang pag ibig kahit kalaban ang isa’t isa

 

Oo kahit sarili natin ay ating kalaban

Kahit tila parang talim ng kutsilyo, pinipilit nalang hawakan

Makuha lang nating ibigin ang isa’t isa

Na kahit magkasakitan ipipilit padin dba?

Ipipilit na yakapin ang mga kulang sating dal’wa

Ipipilit makita ang sati’y wala

Ipipikit ang mga matang kahit nakakakita,

Titignan ang meron kahit na wala na

Sana nilaan nalang natin ang oras sa iba

Sana ibinigay nalang ang pansin sa mas mahalaga

Sana una palang hindi na sinimulan

Kung masasaktan lang din tayo sa hulihan

Sana D nalang tayo pinagtagpo ang ating tadhana

Sana D nalang pinilit abutin ang mga tala

 

Wala na ang dating binuong mundo

Mundo ng ikaw at ako

Gumuho lahat ng pangarap at pangako

Gumuho ang lahat ng ating pilit itinayo

Parang isang huling bagyo na malakas ang bugso at bayo

Parang huling apoy na tutupok ng alaalang humubog sating mabuhay ng magisa

Susubok sating mabuhay ng kanya kanya,

Ang daan, na ating lalakarang magisa

Sa mundo ng ikaw at ako ay wala na

 

Magsimula tayo sa una,

Yung tipong tamang sabi ng ‘kamusta?’ dahil ‘di pa magkakilala

Magsimula tayo sa una

Ang dulo ng walang hanggan dito tapos na