Mahal, Hindi na kita mahal.
Categories Poetry

Mahal, Hindi na kita mahal.

Mahal,

 

Hindi na kita mahal.

 

Ngunit,

 

Bakit sa tuwing mga nota ng kanta’y lumalapat sa’king mga tenga’y mga ala – ala’y naaalala sa tuwina?

 

Mahal, ako’y tuluyan nang pagal.

 

Pero,

 

Bakit sa tuwing ang mga mata’y dumaraa’t napagmamasdan ang araw nang ating pagsisimula’t pagtatapos sa talaarawan ay muli akong ikinukubli sa kalungkutan?

 

Mahal, ayoko nang sumugal.

 

Pero,

 

Bakit sa tuwing bumabalik ako sa’ting tinahak na lansanga’y naaalala ko kung gaano katamis ang simoy ng hanging timpla ng papawirin?

 

Mahal, siguro’y nakakalimutan na kita.

 

Ngunit,

 

Bakit sa tuwing nangungulila ako sa’yong yakap at aruga’y bumabalik ang hinagpis? At gayundin sa tuwing mga mata’y ipipikit at ang iyong maamong mukha’t paglalambing ang syang tanging tanaw ng gunita?

 

Mahal, hindi na kita mamahalin.

 

Ngunit,

 

Hindi ko alam kung paano tanggapin na wala kana sa’king paningin. Na ang minsang naging akin, ay tuluyan nang inangkin ng takipsilim.

 

Mahal,

 

Hindi na kita mahal.

 

Talaga nama’y kalakip na ng sugat ang hindi mabuburang peklat na kailanma’y nakalapat ang lamat sa aking balat.

 

Mahal,

 

Hindi na kita mahal.

 

Handa na akong umahon sa panahong lunod ako sa ambon na dulot mo, aking sinta.

 

Kakalimutan na kita.

 

Sa pagbilang ng,

 

Isa,

 

Dalawa,

 

Tatlo.

 

Hindi na kita mahal.

 

– Dennis Oyao,  Random thoughts.